-- post mental --


main >>



Scenes from a Day
2 Poems
Trapesiya

Trapesiya

Kakaiba pala ang pakiramdam kapag nakatambad sa'yo ang mga dahong kayakap ay tubig ng mumunting ilog. Ibang klase ang ganda ng mga banaag ng mga dahong kulay ginto, kahel at krimson. Ang ilog ay nagiging isang tapiseriya - marahang gumagalaw sa agos.

Mahirap hagilapin ang tamang salita. Ang kailangan yata ay isang dalubhasang manunulat, isang dalubwikang kayang pagtagpiin sa mga salita ang karanasan sa hiwaga. O kaya ay isang dalubhasang pintor upang sa kulay ay bigyang laya ang agos at alab ng damdamin, at ilagay sa paleta at kambas ang kulay ng mosayko at kaleydoskopo. O kaya ay isang kompositor ng awitin upang buuin at pag-ugnayin ang alingawngaw , lagaslas ng tubig, ang mga ibunubulong ng hangin sa dahon habang ang huli ay bumibitaw upang yumakap sa lupa at tubig.

Ngunit sana ay maisulat din ng dalubwika, maisabuhay sa kulay ng pintor, at maipahayag ng kahista ang haluyhoy, ang pag-aalsa ng kulay ng mga dahon para sa kalikasan at taong ninakawan ng metrika't indayog, at binuran ng kulay.

Si Nawang Khechog ay lumagi sa isang kuweba sa bundok ng pitong taon. Siya at ang kanyang plawta ay nakipag-ugnayan sa takipsilim. Dito nagkaroon ng bagwis ang kanyang musika at kaluluwa. Si Nawang -- si Gary Granada, ang mga kasapi ng Asin -- ay iilan lamang sila sa mga modernong mistiko ng kalikasan. Pinahanga sila ng hiwaga. Binaltak ng hiwaga. Binulabog. Hindi simpleng mistipikasyon. Isang mistisismo na lumulundag lampas sa simpleng pakikiisa sa Hiwaga. Lampas sa pagwawari-wari o pagnunuynoy. Isang pakikipagniig na lampas sa pakiramdam. Isang mistisismong ang panimula ay hindi wikang walang kawawaan kundi sa pagkamangha. Ang kanila ay pagbibigay-laya sa karanasan ng balanian, sa karanasan ng pagtatagpo ng Diyos at tao. Ang kanilang mga gawa ay uyayi ng kalikasan, mga gawang nagbibigay sa atin ng puwang upang maranasan ang Hiwaga..

Gumagalaw sa agos ang tapesiya ng mga dahong kulay kahel at dilaw - kailangan ba ang pagkadalubhasa para maging isang tunay na trobador, pintor, para makagawa ng kantiko o maiguhit ng nararanasan mong hiwaga?

Ilang taon tayong nagkasama't pinag-usapan ang ating mga kahinaan. Alam natin ang ating mga limitasyon at pagkukulang. Hindi ba't sa unibersidad ay merong isang fire tree? Naging parte na ito ng buhay natin. Binigyan ako ng puwang ng kahoy na yaon upang maranasan ang hiwaga sa panahon ng sariling paghihimagsik at pagmamaktol. Kahit saan binibigyan ako, kahit saan naroon ang banaag. Gumagawa Siya ng puwang. Naranasan ko siya sa mga burol ng Cagbacong, sa puwang na ibinigay nina Pula at Ombet. Gumagagawa siya ng puwang sa inyo. Nararanasan ko.

Gumagalaw ang tapiseriya ng kulay...isang galaw na nambubulaga't nambubulabog ng damdamin, isang galaw ng pagpapahiwatig na sa gitna ng aking kapayakan at karupukan ay patuloy din na magbigay ng puwang para sa iba upang bigyang-buhay at maipadama ang kanyang hiwaga, ang kagandahan, ang kanyang daing at panagho

 


(After some years of teaching high school John Barro entered seminary and became a priest. He now teaches in a seminary in Manila. He wrote this piece on a trip to view the autumn foliage of New England in 1999.)