DAIG SI ERAP
OPISYALES NG PCSO
SUMUSUWELDO NG P2 M!
 

Ni Mikael G. Aquino
MAS malaki pa sa natatanggap ng Pangulo ng Pilipinas ang “take home pay” ng mga bagong “presidential appointees” sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), na ang pinakamaliit na sinasahod ay P1.3 Milyon sa isang taon.
     Sa kauna-unahang pagkakataon ay tatanggap na, bukod sa per diem at regular na allowances, ng buwanang sahod ang nakaupo sa PCSO board. Ito aymatapos na aprubahan ni Chairman Rosario Lopez , General Manager Ricardo Golpeo at ng board ang pagbibigay ng P40,000 “basic salary” para sa Chairman (katumbas ng sahod ni Vice President Gloria Arroyo), P30,000 sa GM at P20,000 kada direktor.
     Nagawa rin nina Lopez at Golpeo na makapag-abroad halos buwan-buwan. Mula nang malagay sa kanilang puwesto noong Pebrero ay nakabiyahe na ang dalawa ng dalawang beses sa Estados Unidos, at sa Switzerland, Italy, Malaysia at Japan.
    Ang datos ukol sa mistulang pagwaldas sa PCSO ng pera ng taumbayan ay isiniwalat ng PCSO Employees Union na nagtitipon tuwing tanghali sa loob ng PCSO compound bilang protesta sa kanilang mga tagpamahala.
 
     “Maging sina Chairman Morato at Palma ay hindi tumanggap ng suweldo, o inabuso ang paggastos ng pondo ng PCSO para sa mga biyahe nila,” ayon sa isang polyetong ipinapakalat ng unyon. 
 
     Ngunit kung maluwag man nilang biyayaan ang sarili ay iba naman ang pagtrato nila sa mga kawani ng PCSO, na bilyon-bilyon ang kinikita sa bola ng Sweepstakes at Lotto. Ayon sa unyon, ang hiling ng mga empleyado na bigyan sila ng P1,000 “hazard pay” buwan buwan ay dinisaprub ng PCSO board.
 
     Bukod sa sahod ay tinaasan rin nina Lopez at Golpeo ang natatanggap nilang allowance sa pagsaksi sa televised na bola ng Lotto sa P3,000 kada araw. Dati ay hindi tinatanggap ni Morato at Palma ito, ngunit ngayon ay P76,000 bawat buwan ang tinatanggap ng Chairman at miyembro ng PCSO board dahil inaprubahan ng board ang awtomatikong pagbigay ng nasabing allowance pumunta man sila o hindi sa PTV-4 kung saan isinasagawa ang ngayon ay araw-araw ng bola ng Lotto.
 
     Dahil sa sarili na rin nilang sikap, sinuman na ia-appoint mula ngayon bilang Direktor ng PCSO ay lalabas nang Milyonaryo pagkatapos ng kanyang termino. Kung susumahin, ang suweldo ng PCSO Chairman ay aabot ng P2.097 Milyon, samantalang P1.7 Milyon naman ang sa GM at P1.3 Milyon ang makukuha ng bawat isa sa anim na direktor ng PCSO.
 
Copyright 2000, Tangakasi, Inc.
Send your comments to tangakasi@yahoo.com
Homepage: http://www.oocities.org/tangakasi/