First published on Archipelago, March 7, 1997

Mga TNT sa Etats Schengen
ni Heber Bartolome

Bagamat totoong may kaisipang talangka o crab mentality ang maraming Pilipino, lalo na raw yung mga nasa 'tate, hindi ko ito naengkwentro sa Etats Schengen. Bagkus, ang kapwa Pinoy ay malaking tulong sa akin, lalo na ang mga manggagawang sensitibo sa salitang domestic helper, tsimay, katulong, alila o alipin, dahil hindi naman daw ganoon ang turing sa kanila ng kanilang mga amo. Ang Etats Schengen ay kalipunan ng mga bansa sa Europe na nagkaisa para sa visa ng mga manlalakbay. Nang kumuha ako ng visa sa French Embassy noong 1996, ang itinatak nila sa aking passport ay visang Etats Schengen. Ibig sabihin, pwede rin akong pumunta sa Germany, Belgium, Netherlands, Spain, at iba pang mga bansang kasapi nito.

Sa Paris, una muna akong tumira sa Hotel Ibis. May mga kapwa Pinoy akong kasama. Naka-book kami roon ng limang araw upang dumalo sa 40th Congress ng CISAC (Confederation Internationale des Societes d'Auteurs et Compositeurs) na ginawa sa kalapit na UNESCO Bldg. Tatlong araw lang, iniwan na namin ang 3-star hotel na ito. Lumipat kami sa bahay ng "boss" ng isang Pinay. Tawagin natin siyang Ana (hindi tunay na pangalan). Malaki yung bahay. Mamahalin ang mga kasangkapan, mga antigong furniture, pati mga nakasabit na paintings na mahigit sandaang taon sa pagkalikha. Para akong nakatira sa pinakamahal na bahay sa Paris.

Ayon kay Ana, sa Switzerland nakatira ang may-ari ng bahay. Nililinisan lamang niya ang bahay. Binabayaran ang kanyang sweldo thru PNB (Philippine National Bank sa Paris). May sariling tirahan sina Ana kasama ng kanyang ina, kapatid at ng kanyang asawa na nagtratrabaho sa PNB. Dati ring DH ang kanyang ina na naging "personal assistant" ng kanyang "boss" kayat pabalik-balik ito sa Paris at Switzerland. Bihasa nang magsalita ng French si Ana ngunit nakita kong nag-aaral pa rin siya nito sa pamamagitan ng cassette at isang libro. Nakilala namin si Ana sa pamamagitan ng isang taga-PNB na ang manager ay kakilala ng isa kong kasama.


Dalawang Pinay na DH sa Paris

Grupo ng mga DH

Ang tirahan nina Ana ay kabaligtaran ng tirahan ng iba pang mga DH na nakilala ko. Noong unang araw namin sa Paris, sabik kaming lumabas upang pasyalan angEiffel Tower. May dala kaming mapa ngunit nakakalito pa rin dahil lahat ng signs sa mga kalye, building, restaurants, ay puro sa French nakasulat. Nakakaasiwa ring magtanong lagi sa mga puti dahil hirap silang mag-ingles o kaya'y ayaw makipag-usap sa Ingles. Buti na lang at may nakita akong isang Pinay na tatawid sana sa kabilang kalye.

"Pinay ka ba?" Pahula kong tanong sa kanya. Tumigil siya at tumango. Tumigil din sa paglakad ang mga kasama ko na hindi siguro ugali ang bumati sa hindi nila kakilala.

"Saan kayo rito?" Pakli nya.

"Hinahanap namin yung Eiffel Tower."

"At saka kung saan makakabili ng film para sa aming camera," sabi naman ni Nonoy na kasama ko.

"A, diyan lang. Malapit lang. Kung gusto nyo ay sasamahan ko kayo. Daanan lang muna natin yung mga kasamahan ko. Hinihintay kasi nila ako. Pihadong matutuwa sila."

Ganoon nga ang nangyari, dinaanan muna namin ang kanyang mga kasama. Umakyat kami sa 7th floor ng isang building na walang elevator. Hingal na hingal kami pagdating sa itaas. Apat na babae ang inabutan namin sa isang napakaliit na kwarto. Inabutan naming nagluluto ng tanghalian ang isang matabang babae, si Lilet 'yon. Ang kusinilya nila ay nasa tapat ng nag-iisang bintanang maliit.Yung tatlo pang nakaupo sa ilalim ng double deck na higaan ay sina Brenda, Lorna, Nena, at Auring. Ang pangalan naman nitong nakasalubong namin sa kalye ay si Luz.

Inalok pa nila kaming doon mananghalian. Pero nakakain na kami. Upang hindi kami mainip sa paghihintay, hindi na rin yata sila kumain. Kitang-kita ko naman na talagang sabik silang makasama kami. Siguro ay ganoon talaga. Mga bisita ang trato nila sa amin. Sa loob lang ng dalawang araw, sunod-sunod ang aming imbitasyon na doon kumain ng hapunan kina ganito at ganoon, sa birthday ni ganito at ganoon. At sinasamahan nila kami, sinusundo at inihahatid. Kayat natuto kaming sumakay sa Metro upang makarating sa pupuntahan o makabalik sa pinanggalingan.


Mga DH na puro miyembro pala ng Iglesia ni Cristo

Sweldo

Si Lilet ang pinakamalakas kumita sa paglilinis ng bahay. Ang bayad sa kanila ay 50 francs bawat oras. Kung minsan ay sampung oras maghapon ang kanyang trabaho. Minsa'y limang oras lang. Ang francs ay times five sa ating piso. Kumikita si Lilet ng humigit-kumulang sa P50,000 isang buwan. Parang sweldo ng manager ng bangko sa Pilipinas. $700 US ang upa nila sa napakaliit na kwarto na inakyat nga namin sa 7th floor na walang elevator. Tatlo silang naghahati-hati rito.

Si Brenda naman ay kumikita ng mga P30,000 isang buwan, at yung iba ay mas maliit, kumporme sa dami ng amo na ipinaglilinis ng bahay. In demand daw ang mga Pinay sa ganitong trabaho, at mas may tiwala ang mga Franses sa babae kaysa lalake.

Ang kinikita nilang ito ay agad naman nilang ipinapadala sa Pilipinas thru PNB or PCIBank na parehong nasa Champ Elysee Avenue. Ayon sa PNB, uma-average ng US$1000 per person bawat buwan ang perang ipinadadala nila sa Pilipinas. Kung totoong may 30,000 manggagawang Pinoy sa buong France, TNT man o may papel, napakalaking halaga pala talaga ang ipinapasok sa ating bansa ng mga manggagawang kumakayod sa labas ng Pilipinas.

Minsang dumalaw ako sa PNB, isang depositor na ang pangalan ay Lorenzo Mamangon Jr., ang nagpadala ng 4000 francs para sa mga magulang niyang nasa U.S., at 1000 francs naman sa kapatid niyang nasa Angeles City sa Pampanga. Gayon din ang isang nagngangalang Mercy, nagpadala ito ng 5000 francs sa Pilipinas. Hindi tulad ng iba na binabayaran per hour, si Mercy ay live-in sa kanyang amo. Nakakatipid siya sa upa ng bahay. Pwede rin pala ang ganoon. Isang pang babaeng depositor ang nagkwento sa akin na galing daw siya sa Saudi. Tinakasan niya ang kanyang among Arabo nang isama siya nito sa Paris. US$250 lang daw kasi ang kanyang sweldo sa Saudi. Mas malaki ang kinikita niya sa Paris. Iyon talaga ang dahilan kung bakit siya nangahas makipagsapalaran sa ibang bayan -- ang guminhawa sa buhay.

Drugs sa Paris

Minsan ay nakilala ko sa isang parke ang isang grupo ng kalalakihang Pinoy. Tumatambay daw sila roon tuwing Huwebes ng hapon. Dahil regular sila roon, naging suki sila ng isang matandang Pinay sa tinda nitong arroz caldo. Take note, sideline lang ito ng Pinay. Tuwing Huwebes lang ng hapon.

Naramdaman kong ikinatuwa nila ang aming pagkikilala. Yung isa sa kanila ay may inilabas na sinturon mula sa kanyang bag at pilit na inireregalo ito sa akin. Alanganin akong tanggapin dahil hindi ko maintindihan kung nagbibiro lang sila. Mamahalin daw ang sinturon. Gawa sa Italy. Pero walang sintureras. Bigay daw ng kanyang amo. Kung hindi ko tanggapin, baka mainsulto at sabihing ako na nga ang binibigyan e maselan pa ako.Yung isa naman ay ibinigay ang suot na sombrero, Nike, at souvenir daw niya para sa akin. Ganoon daw sila matuwa sa mga kababayang bagong salta sa Paris. "Kung pwede ko lang hubarin itong pantalon ko ay ibibigay ko rin sa iyo, kaya lang e wala akong suot na brief." Patawa ng isang medyo pilyo. Tawanan naman silang lahat. Nakitawa rin ako dahil ayokong magmukhang seryoso.

Pagkatapos ng kodakan at maubos ang film, may isang nagmagandang loob na samahan ako sa aking mga lakad. Dahil siguro alam niyang ako ay isang musikero, Pinoy rocker, nabanggit niya sa akin na may nakukuhanan din sila rito ng damo at hashish para sa kanilang mga "happenings." Medyo may kamahalan nga lang daw. Kung meron daw shabu sa Pilipinas, meron din silang katumbas nito sa Paris. Hindi raw paiiiwan ang Pinoy pagdating sa mga kalokohan. Naintindihan ko na kung bakit masaya sila sa parke.

Tago Nang Tago.

TNT o walang papeles ang karamihan sa mga Pinoy na nakasalamuha ko. Tulad ni Edwin, 18 anyos pa lang. Wala pa siyang isang taon sa Europe. Minsan ay sinabihan niya ako ng ganito: "Kung sakali pong lapitan tayo ng mga pulis, ipagkaila lang po ninyo na kakilala ninyo ako. Para hindi na po kayo madamay."


Edwin (nang sunduin ako para umikot sa Paris)

Madalas daw siyang ma-question ng mga pulis sa Paris. Pero may ipinapakita raw siyang isang fake na US navy ID. Litrato niya ang nakadikit dito ngunit ibang pangalan ng isang Pinoy. Nakakalusot naman daw siya. Naikwento niya sa akin kung paano siya nakarating sa Paris. Ayon sa kanya, P180,000 ang kanyang ginastos para makarating sa France. Ganito kalaki ang halagang hiningi sa kanya ng agency na umasikaso ng kanyang paglalakbay. Passport lang na walang visa. Konting pocket money. Hinarang siya at hindi pinasakay sa eroplano ng mga pulis sa NAIA. Nagreklamo siya sa agency.

Makalipas ang isang linggo, pinalusot siya sa NAIA. Ayos na. Walang visa. Pinasakay siya ng eroplano papuntang Germany. Pero pagdating doon, saka naman siya pinigil at inembestigahan ng mga pulis sa airport. Sinabi daw niyang patungo siyang London upang dalawin ang kanyang lolang may sakit. Ang kontak ni Edwin ay nasa Marseilles, France. Matagal daw siyang naghintay sa gilid-gilid ng Germany bago sila nagkita ng kontak niya sa France.

Wow. Binatilyo pa lang, sumabak na sa ganoong karanasan.

Kung hindi lang masyado nang mahaba itong naisulat ko, marami pa sana akong kwento tungkol sa mga Pilipinong nasa Paris, sa Belgium, sa Spain, at sa iba pang mga bansang kasama sa Etats Schengen. Bawat isa sa kanila ay may makulay na kasaysayan. Hindi ko pa nga naikwento ang tungkol sa mga musikero at pintor. Sa susunod na lang siguro.

Santambak na ngayon ang mga Pinoy sa maraming sulok ng daigdig. Ilang pelikula kaya, ilang kanta, ilang tele-nobela, ilang kwento sa komiks ang malilikha tungkol sa mga manggagawang ang trabaho ay magkudkod o maglinis ng bahay? Sa Etats Schengen, padami ng padami ang mga Pinoy.


Nakilala bilang isang makabayang mang-aawit, si Heber Bartolome ay tapos ng Fine Arts sa U.P. at doon din nag-M.A. ng Filipino Literature. Isa sa mga founder ng Galian sa Arte at Tula, siya ay naging professor ng panitikan sa De La Salle University. Pansamantalang nagsusulat ngayon si Heber habang nag-iipon ng mga kanta para sa susunod niyang album.

Bible | Astrology | Heber's Paintings | Literary | Main Page | Contact the Heber | Past Issues

All Rights Reserved,