PAG-IBIG SA
TINUBUANG LUPA
Narito
ang isang magandang paksa; at dahil din sa kanyang kagandahan ay napakadalas
nang talakayin. Ang pantas, makata, makasining, manggagawa, mangangalakal, o
mandirigma, matanda o bata, hari o alipin -- ang lahat ay nakapag-isip na
tungkol sa kanya, at nakapaghandog ng pinakamahalagang bunga ng kanilang isip o
ng kanilang puso. Buhat sa taga Europang mulat, malaya't mapagmalaki sa kanyang
maluwalhating kasaysayan, hanggang sa negro sa Aprika, na hinango sa kanyang
mga kagubatan at ipinagbili sa hamak na halaga; buhat sa matatandang bayang ang
mga anino'y aali-aligid pa sa kanilang mga mapapanglaw ng guho, libingan ng
kanilang mga kaluwalhatia't pagdurusa, hanggang sa mga bansang makabago't lagi
ng kumikilos at puno, ng buhay, ay nagkaroon ay mayroong isang pinakamamahal na
dilag, maningning, dakila, nguni't walang habag at malupit, na tinatawag na
Inang-Bayan. Libu-libong dila ang sa kanya'y umawit, libu-libong kudyapi ang
naghandog sa kanya ng kanilang mga makatang lalong matataas ang pangarap, ang
naghain sa kanyang harap o sa kanyang alaala ng kanilang piankamaningning na
katha. Siya ang naging sigaw ng kapayapaan ng pag-ibig at ng kaluwalhatian,
palibhasa'y siya ang laman ng lahat ng pag-iisip, at katulad ng liwanag na
nakukulong sa isang malinis na bubog, siya'y tumatagos hanggang sa labas, na
parang mga sinag na buhay na buhay.
At
ito ba'y magiging sagwil upang siya'y pag-ukulan natin ng panahon? At tayo ba'y
hindi maaaring mag-ukol sa kanya ng anumang bagay, tayong walang ibang
kasalanan kundi ang pagkakahuli ng pagsilang sa maliwanag? Nagbibigay ba ang
dantaong ika-labinsiyam ng karapatang huwag kumilala ng utang na loob? Hindi. Hindi
pa nasasaid ang mayamang mina ng puso; sagana pa tuwina ang kanayang alaala, at
bahagya man ang pagkakapukaw ng kanyang alaala, at bahagya man ang pagkapukaw
ng ating kalooban, ay makasusumpong tayo sa kaibuturan ng ating kaluluwa na
kung di man isang masaganang kayamanan, ay abuloy na bagaman dahop ay puspos
naman ng kasiglahan. Katulad ng mga matatandang ebreong nangag-alay sa templo
ng mga kauna-unahang bunga ng kanilang pag-ibig, tayong mangingibang lupain ay
nag-uukol ng mga kauna-unahang tinig sa ating Inang-Bayang nababalot ng mga
panginorin at mga ulap ng umaga, lagi nang maganda at matulain, at sa
tuwi-tuwina'y lalong sinasamba habang sa kanya'y nawawalay at nalalayo.
At
ito'y hindi nararapat pagtakhan sa dahilang ang pag-ibig sa inang-baya'y isang
damdaming tunay na katutubo; sapagka't naroroon ang mga kauna-unahang alaala ng
kamusmusan, isang masamang tulang awitin na ang kabataan lamang ang
nakakikilala at sa mga bakas nito'y sumisibol ang bulaklak ng kawalang-malay at
ng kaligayahan; sapagka't doo'y nahihimbing ang buong nakaraan at nababanaagan
ang isang hinaharap; sapagka't sa kanyang mga kagubatan at sa kanyang mga
kaparangan, sa bawa't punungkahoy, sa bawa't halaman, sa bawa't bulaklak, ay
nakikita ninyong nakaukit ang gunita ng isang nilikhang minamahal ninyo, gaya
ng hininga niya sa mahalimuyak na simoy ng hangin, ng kanyang awit sa mga
bulong ng bukal, ng ngiti niya sa bahaghari ng langit,o ng mga buntung-hininga
niya sa magulong halinghing ng hangin sa gabi. Ang sanhi nito'y sapagka't doo'y
nakakikita kayo, sa pamamagitan ng mga mata ng inyong gunita, sa ilalim ng
tahimik na bubong ng matandang tahanan, ng isang angkang nag-aalaala at
naghihintay sa inyo, nag-uukol sa inyo ng mga isipan at mga pagkabalisa nila;
sa wakas, sapagka't sa kanyang langit, sa kanyang araw, sa kanyang mga
karagatan at sa kanyang mga kagubatan ay nakakatagpo kayo ng tulain, ng
paggiliw at ng pag-ibig, at hanggang sa libingan na ring pinaghihintayan sa
inyo ng isang abang puntod upang kayo'y isauli sa sinapupunan ng lupa. Mayroon
kayang isang kadiyusang nagtatali ng ating mga puso sa lupa ng ating
inang-bayan, na nagpapaganda't nagpaparilag sa lahat, naghahandog sa atin ng
lahat ng bagay sa ilalim ng isang anyong matulain at malambing, at nakararahuyo
sa ating mga puso? Saapagka't sa papaano mang anyo humarap siya, maging
nararamtan ng matingkad na pula, napuputungan ng mga bulaklak at laurel,
makapangyarihan at mayaman; maging malungkot at nag-iisa, nababalot ng basahan,
at alipin, nagmamakaawa sa kanyang mga anak na alipin din; maging anaki'y
diwata sa isang halamang maalindog, naliligid ng mga bughaw na alon ng
karagatan, nakahahalina at marikit, gaya ng pangarap ng napaglalalangang
kabataan; maging natatakpan ng isang lambong ng yelo, nakaupong malungkot sa mga
dulo ng daigdig, sa silong ng isang langit na walang araw at walang tala;
maging anuman ang kanyang ngalan, ang kanyang gulang o ang kanyang kapalaran,
siya'y lagi na nating minamahal, gaya ng pagmamahal ng anak sa kanyang ina sa
gitna ng gutom at ng karalitaan.
At
bagay na kataka-taka! Habang siya'y lalong aba't kulang-palad, habang lalong
nagdurusa nang dahil sa kanya, ay lalo naman siyang sinasamba hanggang sa
nagtatamo ng kaligayahan sa pagtitiis ng dahil sa kanya. Napansing ang mga
naninirahan sa mga bundok at sa mga di-linang na kaparangan, at yaong mga
isinilang sa lupang tigang o mapanglaw, ay siyang nag-aangkin ng lalong buhay
na alaala ng kanilang bansa, at walang nasusumpungan sa mga lunsod maliban sa
malabis na pagkainip na siyang pumipilipit sa kanilang magbalik sa kanilang
tinubuang lupa. Ito kaya'y dahil sa ang pag-ibig sa inang-baya'y siyang
pinakawagas, pinakamagiting at pinakadakila? Ang pagkilala kaya ng utang na
loob, ang pagkalugod sa lahat ng nakapagpagunita ng ating mga kauna-unahang araw,
ang lupa kayang kinahihimlayan ng ating mga nuno, ang templong kinadoroonan ng
sinasamba nating Diyos sa pamamagitan ng katapatan ng walang malay na
kamusmusan; ang tunog ng batingaw na nakaaaliw sa atin buhat sa pagkabata, ang
mga malalawak na kaparangan, ang lawang bughaw, na may mga kaakit-akit na
pasigan ng mga bulaklak na parang pugad ng pag-ibig; o ang ganitong matamis na
damdamin? Ang sigwa kaya, na kumakawala, humahagupit at naghahapay, sa
pamamagitan ng kanyang kakilakilabot na haginit, ng tanang nasasagasaan sa
dinaraanan niya; ang lintik kayang nakatakas sa kamay ng nakapangyayari at
pumupuksa sa bawa't tamaan; ang agos kaya o ang talon ng tubig, mga bagay na
walang tantan ng paggalaw at walang tugot ng pagbabala? Ang lahat kayang ito
ang sa ati'y nakaaakit, nakararahuyo't nakahahalina?
Marahil,
ang mga kariktang ito o ang mga sariwang gunita ang siyang nagpapatibay sa
taling bumibigkis sa atin sa lupang sinilangan at nagbubunga ng matamis na
katiwasayan kapag tayo'y nasa-ating bayan, o kaya'y ng matinding kapanglawan
kapag tayo'y nalalayo sa kanya, simula ng isang malupit na karamdamang
tinatawag na "nostalgia" (matinding pag-aalaala sa sariling tahanan o
bayan).
O!
Kailanma'y huwag ninyong pasakitang-loob ang taga-ibang lupa, ang umaahon sa
inyong mga dalampasigan; huwag ninyong gisingin sa kanya ang buhay na gunita ng
kanyang bayan, ng mga ligaya sa kanyang tahanan, sapagka't kung magkakagayon,
sila'y mga sawimpalad ng gigisingin ninyo sa kanila ang karamdamang yaon,
masugid na multong hindi hihiwalay sa kanila hanggang hindi masilayan ang
tinubuang lupa, o hanggang sa tumugpa sa bingit ng hukay.
Huwag
kayong magbuhos kailanman ng isang patak ng kapaitan sa kanyang puso,
palibhasa'y sa ganitong pagkakataon ay nag-iibayo ang mga dalamhati kung
ihahambing sa mga kaligayahan sa nawalang tahanan.
Tayo
nga'y ipinanganganak, lumalaki, tumatanda, at namamatay na nagsisimpan ng banal
na damdaming ito. Ito kaipala'y siyang lalong nananatili, kung mayroon mang
kapanatilihan sa puso ng tao, at tila hindi siya humihiwalay sa atin kahit na
sa libingan na rin. Si Napoleon, na nakikinikinita na niya ang madilim na
kailaliman ng libingan, ay nakagunita sa kanyang Pransiya, nalabis niyang
pinakamahal, at sa pagkakatapo'y pinaghabilinan niya ng kanyang mga labi, sa
pananalig na sa sinapupunan ng kanyang inang-bayan ay makakasumpong ng lalong
matamis na pagpapahingalay.
Si
Ovidio, na lalong kulang-palad, sa pagguguniguning kahit na ang mga abo niya'y
hindi na makabalik sa Roma, ay naghihingalo sa Ponto Euxino, at inaaliw ang
sarili sa pag-aalaalang kung hindi man siya, ang mga tula man lamang niya'y
makamamalas sa kapitolyo.
Noong
bata pa tayo'y nawili tayo sa mga laro; nang magbibinata na'y nalimot na natin
ang mga yaon; nang magbinata na'y humanap tayo ng ating pangarap; nang mabigo
naman tayo'y tinangisan natin ito; at tayo'y humanap ng lalong tunay at lalong
kapaki-pakinabang; nang tayo'y maging ama na'y namatayan tayo ng mga anak at
pinapawi ng panahon ang ating hapis, gaya ng pagpawi ng hangin sa dagat sa mga
baybayin habang nalalayo sa mga ito ang sasakyan.
Datapuwa't,
sa kabilang dako, ang pag-ibig sa inang-bayan ay hindi napaparam kailanman
kapag nakapasok na sa puso, palibhasa'y nagtataglay sa kanyang sarili ng tatak
na maka-Diyos na ikinapagiging walang kamataya't walang hanggan.
Sinasabing
ang pag-ibig kailanman ay siyang pinakamakapangyarihang tagapagbunsod ng mga
gawang lalong magiting; kung gayon, sa lahat ng mga pag-ibig, ang pag-ibig sa
inang-bayan ay siyang nakalikha ng mga gawang lalong dakila, lalong magiting at
lalong walang halong pag-iimbot. Kung hindi'y bumasa kayo ng kasaysayan ng m,ga
ulat ng pangyayari taun-taon, ng mga alamat; pumasok kayo sa sinapupunan ng mga
mag-anak; anong mga pagpapakasakit, mga pagbabata at mga luha ang ibinubuhos sa
kabanal-banalang dambana ng inang-bayan! Buhat kay Bruto, na nagparusa sa
kanyang mga anak na pinaratangan ng pagtataksil hanggang kay Guzman, ang
mabuti, na pumayag na patayin ang kanyang anak, huwag lamang siyang magkulang
as tungkulin; anong mga dula, mga sakuna, mga pagpapakasakit ang hindi naisagawa
alang-alang sa kagalingan ng hindi mapalubay na kadiyusang iyong walang
maipapalit sa mga anak nila, maliban sa pasasalamat at mga pagpapala. At
gayunman, sa pamamagitan ng mga bahagi ng kanilang puso'y nagtatayo sila ng
maluwalhating bantayog sa inang-bayan; sa pamamagitan ng mga gawaa ng kanilang
mga kamay, sa pamamagitan ng pawis ng kanilang mga noo ay dinilig at napamunga
ang banal na punung-kahoy, at hindi sila naghintay ni nagkaroon ng anumang
gantimpala!
Masdan
ninyo roon ang isang taong nagkukulong sa kanyang silid; sa kanya'y lumilipas
ang lalong mahahalagang araw, ang mga mata niya'y lumalabo, ang buhok niya'y
nangangabo at nalalagas na kasama ng mga pangarap niya; ang katawan niya'y
nakukuba. Sinasaliksik niya sa loob ng maraming taon ang isang kaatotohanan,
nalutas niya ang isang suliranin: ang pagkagutom at pagkauhaw, ang ginaw at
alinsangan, ang mga karamdama't kasawian ay humarap na sunud-sunod sa kanya.
Papanaog siya sa libingan, at sinamantala ang kanyang paghihingalo upang
ihandog sa inang-bayan ang isang pumpon ng bulaklak para sa korona nito, isang
katotohanan, bukal at simula ng libong pakinabang.
Ibaling
ninyo ang tingin sa ibang dako; isang taong dinarang ng araw ang nagbubungkal
ng lupa upang paglagakan ng isang binhi; siya'y isang magbubukid. Siya'y
umaabuloy din sa pamamagitan ng maliit bagama't makabuluhang paggawa, sa
kaluwalhatian ng kanyang bansa.
Ang
inang-baya'y nasa panganib ! Sumusulpot sa lupa, na parang malikmata, ang mga
mandirigma't mga pangunahin. Iniiwan ng mga ama ang mga anak, ng mga anak ang
ama, at lahat sila't dumadaluhong upang magtanggol sa ina ng lahat. Nagpapaalam
sila sa tahimik na pakikipagbaka sa tahanan at inililingid sa ilalim ng talukap
ngmga mata ang mga luhang pinadadaloy ng kalambutan ng loob. Sila'y nagsiyao,
at lahat ay namatay. Marahil, siya'y ama ng maraming anak na mapupula't kulay
sagang katulad ng mga kerubin, marahil siya'y isang binatang may pag-asang
nakangiti; anak man o mangingibig ay hindi nakakasalabid! Ipinagtatanggol niya
ang sa kanya'y nagbigay ng buhay, natupad niya ang kanyang tungkulin. Si Codro
man o si Leonidas, kahit na sino siya, ang inang-bayan ay matututong umalaala
sa kanya.
Ipinara
ng ilan ang kanilang kabataan, ang kanilang kaligayahan; ang iba'y naghandog sa
kanya ng kaningningan ng kanilang kadalubhasaan; ang mga ito'y nagbubo n g
kanilang dugo; ang lahat ay namatay at nagpamana sa kanilang inang-bayan ng
isang malaking kayamanan; ng kalayaan at ng kaluwalhatian.
At
siya, ano ang nagawa niya para sa kanila? Sila'y tinatangisan niya at buong
pagmamalaking inihaharap sa daigdig, sa mga ipanganganak pa at magiging anak ng
mga ito upang maging halimbawa.
Datapuwa't
ay! Kung sa kababalaghan ng iyong ngalan, o Inang-bayan! Ay nagniningning ang
mga kabaitang lalong makabayani, kung sa iyong ngala'y naisasagawa ang mga
pagpapakasakit na higit sa kakayahan ng tao, as kabilang dako nama'y gaanong
pang-aapi…!
Buhat
kay Hesukristong puspos ng pag-ibig, na pumanaog sa lupa sa ikagagaling ng
sangkatauhan, at namatay alang-alang sa kanya sa ngalan ng mga batas ng kanyang
bayan, hanggang sa mga lalong di-kilalang sinawi ng mga makabagong
paghihimagsik, ilan, ay! ang hindi nagtiis at namatay sa iyong ngalang kinamkam
ng iba! Ilang sinawi ng pagtatanim, ng pag-iimbot o ng kamangmangan, ang hindi
namatay, na nagpapala sa iyo, at nagnanais para sa iyo ng lahat ng uri ng
kapalaran!
Maganda
at dakila ang inang-bayan, kapag ang anak niya, sa sigaw ng pakikipaglaban, ay
gumayak sa pagtatanggol sa matandang lupa ng kanilang mga ninuno; malupit at mapagmalaki,
kapag, buhat sa mataas niyang luklukan ay nakikita ang dayuhang tumatakas sa
sindak sa harap ng hukbong hindi magapi ng kanyang mga anak. Datapuwa't ang
kanyang mga anak, na nagkakahatihati sa magkakalabang pangkatin ay
nagpapatayan; kapag ang poot at pagtatanim sa kalooban ay nagwawasak ng mga
parang, mga bayan at mga lunsod, sa gayon, ay niluluray niya sa kahihiyan ang
kanyang balabal, at matapos itapon ang setro, ay nagluluksa dahil sa mga anak
niyang namatay.
Maging
anuman nga ang kalagayan natin, ay nararapat nating mahalin siya at walang
ibang bagay na dapat naisin tayo kundi ang kagalingan niya. Sa gayo'y gagawa
tayo, alinsunod sa tadhana ng sangkatauhang itinakda ng Diyos, na dili iba
kundi ang pagkakasundo't kapayapaang pandaigdig ng mga nilikha niya.
Kayong
nawalan ng mithiin ng inyong kaluluwa,; kayong sa pagkaksugat ng inyong puso'y
nakita ninyong naglahong isa-isa ang inyong mga pangarap at katulad ng mga
punungkahoy sa tag-ulan, ay nasumpungan ninyo ang inyong sariling walang bulaklak
at walang dahon at gayong nananabik na magmahal ay wala naman kayong makitang
karapat-dapat sa inyo, nariyan ang inang-bayan, mahalin ninyo siya.
Kayong
nawalan ng isang ama, ng isang ina, ng isang kapatid, ng isang asawa, ng isang
anak, ng isang kasintahan, sa wakas, na siyang pinagbatayan ng inyong pangarap,
at sa inyong sarili'y nakatagpo kayo ng isang malalim at kasindak-sindak na
kawalan, nariyan ang inang-bayan; mahalin ninyo siya ng gaya ng nararapat.
Mahalin
ninyo siya, oo nga, nguni't hindi gaya ng pagmamahal sa kanya ng nakaraang
panahon, sa paggawa ng mga malulupit na kabanalang itinakwil at sinumpa ng
tunay na kabaitang-asal at ng inang kalikasan; hindi sa pagpaparangalan ng
pananampalatayang bulag, ng pagwawasak at ng pagkamalupit, hindi nga. Lalong
kaaya-ayang bukang-liwayway ng kristiyanismo, sagisag ng mga araw na maligaya
at matahimik. Kautangan nating manunton sa matigas nguni't payapa't mabungang
landas ng agham na humahantong sa pag-unlad, at buhat doo'y sa pagkakaisang
nilunggati't hiningi ni Hesukristo sa gabi ng kanyang pagpapakasakit.
LAONG-LAAN
BARSELONA, HUNYO, 1882