RIZAL
AT BONIFACIO :
Ang
Pagwawangis at Paglilihis
Daniel Mendoza Anciano
Limitado
lamang para sa isa ang espasyo ng pedestal na maaring pagluklukan para sa isang
natatanging pambansang bayani na ngayon ay okupado ni Jose Rizal. Sa kabila
nito, ang kaangkupan ni Rizal sa pangingibabaw sa pantheon ng kabayanihan ay
matagal ng panahon na binabatikos ng mga taong may higit na pagpapahalaga sa
bayaning si Andres Bonifacio. Ang tunggalian ng mga mga maka-Rizal at maka
Bonifacio ay hindi lamang nakapaloob sa kahalagahan ng nagawa nila para sa
ating bayan kundi higit sa lahat ay ang kaangkupan ng dinadalang pilosopiya at
reseta ng bawat isa bilang lunas na aksiyon sa mga sakit ng ating lipunan. Sa
anumang pagsusuri ng buhay ng dalawang bayani ay malimit na ipakita ang
kanilang pagkakaiba at paglalayo, ngunit sa isang malalimang pagsusuri ng
kanilang buhay ay makikita ang napakaraming pagwawangis na kinulayan ng
matingkad na paglilihis.
Kapwa
sila isinilang sa unang hati ng dekada 60 ng nakalipas na siglo, nabuhay at
nakisalamuha sa panahon ng kolonyalismo ng Espanya. Nagsagawa sila ng
epektibong aksiyon upang ituwid ang tiwaling lipunang kanilang kinamulatan at
sa dakong huli ang kanilang nagawa, ang naghatid sa dayuhang pamahalaan sa
dapithapon ng kolonyalismo. Isinilang man sila sa iisang panahon ngunit
pinag-ibayo naman sila ng pagkakataon. Isinilang si Rizal sa isang bahay na
bato sa lalawigan, nagmula sa pangkat ng gitnang uri na noon ay nagsisimulang
maging asertibo sa kanilang paghiling ng kapantayan na makilahok sa bumibilis
na gulong ng kalakalan. Lumaki si Rizal sa pagkalinga ng kaniyang mga magulang
(na naunahan pa niya sa kamatayan) at mga nakakatandang kapatid, partikular na
dito si Paciano, na nagsilbing anino sa likuran ng bawat mapagpasiyang hakbang
ni Rizal. Taliwas si Bonifacio, isinilang siya sa kalunsuran sa isang tipikal
na bahay kubo sa maralitang distrito ng Tondo, nagmula sa mababang pangkat ng
mga tao sa lipunan na tuwirang nakadarama ng diin ng pang-aapi, inhustisya, at
pagsasamantala. Agad na inulila ng mga magulang at maagang naatangan ng
pananagutan na mag-aruga at gumabay sa kaniyang mga nakakabatang kapatid sa
pagtahak sa maunos na landas ng buhay.
Kapwa
makabuluhan ang kanilang mga nagawa at kaisipan na naiambag sa ating lipunan at
kasaysayan. Sa kabila ng kapwa nilang maikling buhay, muli't muling
hinahalungkat ng mga iskolar ang kahalagahan at kabuluhan ng dalawa para sa mga
henerasyong dumadaan. Sa kabilang kapwa makabuluhan buhay, ang batis ng
pambiograpiya ay pinagwangki naman sila. Ang buhay ni Rizal ay halos detalyado
sa lahat ng aspekto na ipinapakita ng kaniyang daan-daang dokumento at
sangkaterbang litrato na ngayon ay nakasinop sa mga aklatan at arkibo. Ang
pagbabatayan sa buhay ni Bonifacio ay ang ilang pira-pirasong dokumento na
nagsasaad ng kaniyang mga huling taon, mga tagpi-tagping kuwento ng kaniyang
mga naging kasamahan at nag-iisang larawan na tangi lamang kababakasan ng mukha
ng taong nanguna sa pinakamapangahas at pinakamapagpasiyang pagkilos ng
sambayan sa ating kasaysayan.
Kapwa
sila uhaw sa karunungan at palaaral sa kalagayan ng lipunan. May mga
pagkakataon na nagkatulad pa sila ng mga aklat na binasa at nakapukaw ng
kanilang kamalayang panlipunan. Ang magkatulad na pagkauhaw sa kaalaman ay
hindi naman pinapagparayaan ng magkatulad na kapalaran, labis silang
pinag-agwat sa hagdanan ng pormal na kaalaman. Si Rizal ay nagtapos ng
lisensiyado sa dalwang kurso: Una ay sa Medisina; at pangalawa sa Piliospiya at
Letra sa isang unibersidad ng Espanya. Si Bonifacio sa kabilang dako ay bahagyang
natapos ang primarya at ang karagdagang kaalaman ay natamo niya sa dalawang
larangan: Una ay sa kalsadang kaniyang ginagalawan; at ang ikalawa sa trabahong
kaniyang pinasukan. Sa kabila ng magkaibayong antas ng edukasyon ng dalawa, sa
panahong ang bayan ay naghanap ng magiging karibal ni Rizal sa luklukan ng
pambansang kabayanihan hindi ang kaniyang mga kapantay sa kaalamang pormal ang
itinapat sa kaniya kundi si Bonifacio na ang pormal na edukasyon ay halos
nakasubsob sa ilalim ng pormal na paaralan.
Kapwa
sila naging aktibong alagad ng Kilusang Propaganda sa panahon na malayo pa sa
hinagap ang posibilidad ng isang himagsikan. Sa iisang kilusan na kinasasapian
ngunit magka-agwat sila sa aspekto ng kalikasan ng pagkilos at heograpiya ng
ginagalawan. Aktibo at nasa rurok ng kasikatan si Rizal sa Kilusang Propaganda
sa pamamagitan ng kaniyang pagsulat ng dalawang nobelang panlipunan at mga
artikulo sa La Solidaridad na noon ay nakabase sa Europa. Ang partisipasyon ni
Bonifacio sa propaganda ay tahimik, hindi pansin, at nakapaloob lamang sa
Maynila at limitado lamang sa pamumudmod ng mga babasahin ng propaganda sa
kaniyang mga kakilala at ilang mga mag-aaral ng Unibersidad ng Santo Tomas.
Kapwa
sila alagad ng literaturang nagbabandila ng protesta, naghahasik ng pagkamuhi
sa kalagayang pinananatili ng kolonyal na sistema at nananawagan sa isang
pagbabagong panlipunan. Sa kabila nito ay makikita paglalaot ng kanilang mga
paraan, lawak, istilo, wika, at layunin. Si Rizal sa malaking bahagi ng
kaniyang panulat ay nasa anyo ng nobela at mga artikulong may maka-iskolar na
pagtrato, ginamit ang wikang Espanyol, at makikitahan ng kapinuhang
panliteratura. Hinikayat ni Rizal ang kaniyang mga mambabasa na itaboy ang
dilim ng panatismo at pamahiin sa pamamagitan ng liwanag ng karunungan at
abutin ang kapantayang kultural at intelekwal sa ating mga mananakop upang
maging isang mabisang sandata sa isang ebolusyong panlipunan. Sentro ng
pagbatikos ni Rizal ang frailocracia na noon ay nagsisilbing moog ng pyudal na
kaisipan at humahadlang sa pagdaloy ng liberalismo at reporma sa kolonyal na
gobyerno. Si Rizal bilang isang repormista ay nakikita pa ang posibilidad na
masulsihan pa ang ang naagans na retaso ng kolonyalismo. Ganap ang kataliwasan
ni Bonifacio, ginamit niya ang wikang tagalog sa kaniyang maiikling artikulo na
sinasabi ng ilan na "magaspang" at "hubad sa bulaklak ng
retorika." Sa kabila ng "kababawan" at "hindi
repinado" ng kaniyang sulatin ay tuwiran niyang hinikayat ang sambayanang
Pilipino sa pag-aaring ganap ng isang higit na agresibong aksiyon upang patirin
ang kadena ng kolonyalismo na mariing sumasakal sa buhay at kaisipan ng
kaniyang mga kababayan. Kay Bonifacio ay walang pagkakaiba ang frailocracia at
ang kolonyal na burukrasya, hindi ang pagsusulsi ng agnas na retaso ng
kolonyalismo ang dapat na maging katugunan kung hindi ang paghahangad ng bagong
retasong panlipunan na hahabiin ng mga kamay ng mga taong lalahok sa
himagsikan.
Kapwa
laman ng isipan ng dalawa ang armadong opsiyon sa pagbabagong mukha ng lipunan
at pinaglaro nila ito sa kanilang mga kaisipan. Ang magkaparehong pagmumuni ng
armadong pakikibaka sa isipan ay inilapat nila sa magkaibang kinalalagyan. Ang
armadong opsiyon ni Rizal ay makikitang dinala ng kaniyang mga tauhang sina
Elias at Simoun, pinaglaruan niya ang katumpakan at kahinaan ng armas bilang
kasangkapan sa pagbabagong anyo ng lipunan, ngunit natakot si Rizal na ang
himagsikan sa kaniyang isipan ay malipat at maganap sa mismong lipunan, kaya
ito ay kaniyang kinulong at kinitil pa sa pahina ng panitikan. Para kay
Bonifacio, bigo ang ebolusyonaryong bisyon na ibinabandila ng mga repormista at
ang pagsasakatotohanan sa lipunan ng isang rebolusyon ang tanging landas na
tatahakin ng sambayan sa pagtatamo ng kanilang inaadhiang kasarinlan.
Kapwa
naimpluwensiyahan sila ng martiyo ng GOMBURZA noong 1872 at kinikilala nila ang
binhi ng tatlong paring martir sa pagsibol ng kolektibong nasyonalismo ng
sambayang Pilipino, ngunit ang paraan ng paghanga ay isinagawa sa magkaibang
paraan. Ang Noli Me Tangere ay isang nobelang pang-inbestiga kung papaanong ang
repormista ay isinangkot sa krimen na ang mga prayle ang tunay na nasa likuran.
Dinakila ni Rizal ang GOMBURZA sa paghahandog nito ng kaniyang El
Filibusterismo. Nag-inbestiga rin si Bonifacio sa tunay na pangyayari sa kaso
ng GOMBURZA noong kaniyang direktang litisin at ipabitay ang mga nabihag na
prayle sa Cavite. Dinakila rin ni Bonifacio ang GOMBURZA sa pamamagitan ng
paggamit na nasabing panitik bilang senyales ng isa sa mga pangkat ng Katipunan.
Kapwa
sila pulitiko na humarap sa magkahiwalay na halalan na isinagawa ng kanilang
mga kababayan na nagbunga ng kanilang paghiwalay sa mga dating kasamahan. Si
Rizal ay natalo sa hinihinging mayorya sa halalang ginanap ng mga repormistang
paisano sa pagpili ng kanilang magiging pinuno sa Madrid, ito ang simula ng
alitang Rizal at Marcelo del Pilar. Si Bonifacio ay natalo sa ginanap na unang
halalang pampangaluhun na ginanap sa Tejeros na nagbunga ng kaniyang paghiwalay
kay Emilio Aguinaldo at sa huli ay ang pagpaslang sa kaniya ng mga dating
kasamahan.
Kapwa
mahalaga sa dalawa ang unang linggo ng Hulyo 1892. Noong Hulyo 3, 1892 (Linggo)
nagtagpo sa una at huling pagkakataon sina Rizal at Bonifacio ng itatag ng huli
ang La Liga Filipina. Simbolikal ang pagtatagpo na ito nagsilbing parang isang
transisyon ng ng dalawang historikal na nilalang sa sentro ng politikang kontra
kolonyal. Ang pagtatag ni Rizal ng La Liga Filipina ay sinundan ng pagpapatapon
sa kaniya sa Dapitan at panimula ng kaniyang pagkakahimbing pulitikal. Noong
Hulyo 7, 1892, itinatag ni Bonifacio ang Katipunan na hudyat ng kaniyang
pangingibabaw sa larangan ng kontra kolonyal na pakikibaka.
Kapwa
sila pinuno ng Kilusang Katipunan, pamumuno na may magkaibang katayuan at
kalikasan. Si Bonifacio, ang supremo ang aktibong nagpakilos, nagpalaganap,
nagpalakas, at naghanda ng kilusan para sa ilulunsad na himagsikan.
Samanatalang si Rizal na noon ay walang kamalay-malay sa mga kaganapan sa
Kamaynilaan, ang inilagay na pangulong pandangal ng samahan.
Kapwa
sila biktima ng puwersang panlipunan na kanilang pinasimulan sa pamamagitan ng
pagbabayad ng kanilang mga buhay. Ang repormistang si Rizal na ang mapanuring
oanulat ay nakagising sa kaniyang mga kababayan sa pangangailangan ng pagbabago
sa pamamagitan ng mapayapang pamamaraan ay pinaratangan na nasa likod ng
himagsikan. Si Bonifacio naman na nagsindi ng mitsa ng himagsikan ay
pinagbintangan ng kaniyang mga kasamahan ng "pagtataksil" laban sa
rebolusyon na kaniyang pinamunuan at pinasimulan.
Kapwa
sila mga biktima ng mga hukumang hubad sa kredibilidad. Ngunit ang
pinakamalaking kablintunaan ay si Rizal na nanalig hanggang sa huling sandali
ng kaniyang buhay sa posibilidad ng reporma mula sa mga dayuhang kapangayrihan
ay nilitis ng bengatibong korte militar ng Espanya. Samantalang si Bonifacio na
naglagak ng pagtitiwala sa kakakayahan ng mga kaniyang mga kababayan sa
pagpapalaya ng bayan ay nilitis ng makiling na korte militar ng gobyernong
rebolusyonaryo ng mga Pilipino.
Kapwa
sila nagsala sa iisang tulang pahimakas. Isinulat ni ni Rizal sa Kuta ng
Santiago ang kaniyang Mi Ultimo Adios sa bisperas ng bitayan. Pagkatapos ng
martiryo ni Rizal, ang kaniyanga asawa na si Josephine ay nagtungo sa Cavite,
dito ay hiniram ni Bonifacio ang orihinal na tula ni Rizal at isinalin ito sa
wikang Tagalog. Kung mayroon mang maangkin si Bonifacio na kaganapan para sa
kaniya sa nasabing tula ay ang hanay na nagpapahiwatig ng ganito.
Kung
ang libingan ko'y limot na ng lahat
at
walang krus at batong mabakas
bayaang
linangin ng taong masipag
lupa'y
asarolin at ikalat
Kapwa
sila biktima ng malagim na bitayan sa huling hati ng dekada 90 ng nakalipas na
daantaon. Magkatulad na kamatayan sa magkabalintunang lugar na kinaganapan. Si
Rizal na isinilang sa lalawigan ay hayagang binitay sa pampublikong lugar sa
kalunsuran. Si Bonifacio na isinilang sa kalunsuran ay palihim na binitay sa
paanan ng bundok sa lalawigan.
Kapwa
sila biktima ng inhustisya sa panahon ng kanilang buhay at sa kasalukuyan, ang
kanilang kamatayan ay ibinabalot pa rin sa misteryo ng kasaysayan. Magkaibang
salarin na hindi matatawaran ang impluwensiya hanggang sa kasalukuayan. Ang
salarin ni Rizal ay pinagtatakpan ng simbahan at ang salarin ni Bonifacio ay
pinagtatakpan ng mga inapong maimpluwensiya pa rin sa pamahalaan.
Kapwa
ginugunita ng bayan ang kanilang ala-ala sa pamamagitan ng pambansang tanging
araw na magkaiba ang pinag-uukulan. Si Rizal sa araw ng kaniyang kamatayan,
samanalang si Bonifacio sa araw naman ng kaniyang kamatayan. Mapansin din sana
ang insidente ng pagkakataon, ang buwan ng Nobyembre (30) na kapanganakan ni
Bonifacio ay sinusundan ng Disyembre (30) na buwan ng kamatayan ni Rizal. Ang
buwan ng Mayo (10) na buwan ng kamatayan ni Bonifacio ay sinusundan ng buwan ng
Hunyo (19) na kapanganakan ni Rizal.
-------------------------------------------------------
Ang may-akda ay
instruktor ng Kasaysayan ng Pilipinas sa Cavite State University, Indang,
Cavite. Tinatanggap ang anumang mungkahi o puna sa artikulong ito, iparating na
sa may-akda sa pamamagitan ng E-mail address na