ISANG MALAYANG
PALAISIP
Jose Rizal
Sa
boong buhay ko'y hindi pa ako nakakakita ng isang taong napakakamuhi-muhi
nagaya ng isang malayang palaisip.
Sapul
sa aking kamusmusa'y kinatakutan ko na siya at sa pagbibinata ko'y
nakapanghilakbot sa akin. Ngayon, hindi ko malaman kung ano ang iisipin ko sa
kanya.
Nang
kami'y bata pa, kami'y nahirating pagpakitaan sa ilalim ng ngalang ito ng isang
taong sinumpa ng aming banal na Relihiyon o kung hindi man, ay ng aming mga pari,
isang kaluluwang inaalihan ng demonyo, sa dahilang hindi umiisip ng gaya namin,
ni gaya ng mga kinatawan ng aming Diyos. Nang nagbibinata na, nang katatalikod
pa lamang namin halos sa mga larong pambata at sa kandungan ng aming ina, at
iwan namin ang mga saranggola at mga kabayong kahoy, upang pakipagtalunan ang
mga simulaing walang hanggan ng malinis na kaugalian, upang arukin ang
kailaliman ng kaluluwa, upang maglahad at magpasinungaling sa iba't iabng
pamamaraan ng pilosopiya, upang makapasok sa mga di-madalumat na dawag, na
marahil ay maligoy, ng metapisika at pinangungunahan ng mga bihasang kamay, ay
nakarating kami hanggang sa paglutas ng lahat ng kahiwagaang nakalatag sa
landas ng buhay; nang, taglay ang pananampalataya sa kaluluwa, ang pag-ibig sa
puso at ang pagtitiwala sa aming buong pagkatao, ay tinatanggap namin nang
walang katutol-tutol ni pag-aalinlangan, nang walang sapat na pakikipagtalo ni
pasubali, ang lahat ng sinasabi sa amin ng mga daakilang guro namin, ang lahat
nang ipinakikilala sa aming bilang aral na dapat sampalatayanan at di-namamali;
sa gayon, puno ng liwanag at sigasig na makarelihiyon, aay dinapuan kami ng
panghihilakbot sa mga tupanng yaong naliligaw, na nakikilala sa tawag na
malayang palaisip o may malayang kaisipan.
Mga
palalo! -- ang wika namin sa kanila; -- mga kaluluwang walang laman at walang
kapararakan, na walang tinatanggap maliban sa ipinakikilala ng inyong
katuwiran; na nagmamatuwid nang hindi nanghahawak sa mga banal at
nakapagpapalakas na simulain namin; kayong mga hamak ang pang-unawa, maikli ang
isip, hindi ninyo nababatid ang aming mga nagniningning na pananalig, ay! sa
aba ninyo!
At
sa gangyang napakalaking pagkaawa at pagmamatuwid ay nakikita namin silang
pinarurusahan nang walang katapusan. Palibhasa'y wala kaming minamagaling kundi
ang sarili lamang, gaya ng nararapat, sa lahat ng kasang-ayon ng katotohanan,
na hindi maaari kundi iisa lamang, at ang lahat ng iba pa'y pawang
kasinungalingan, kami'y lumalayo sa pgkahawa sa kanila, kami'y umiilag sa pakikiharap
sa kanila, kami'y nagpipikit ng mata at nagtatakip ng tainga sa mga katha at
ang salita nila.
Hindi
ko tinutukoy dito yaong mga malayang palaisip dahil sa pagkahawa, sa pagsunod
sa panahon, sa panggagaya o sa hawig; hindi; ang mga pagtutol at pagmamatuwid
ng mga ito'y masisira namin sa dalawa o tatlong pagtatangi-tanging hindi nila
karaniwang nasasakyan, at sila'y aming mapaababalik na parang maaamong tupa sa
aming bakuran, at sila'y mga kaibigan ding gaya ng dati. Ano ba ang magagawa
nila sa amin, sa kami'y pinasuso ng katas ng pilosopiyang eskolastiko. Mga
katoliko sapul sa ikalimang taong gulang, mga pilosopo sa ikalabing-apat,
metapisiko sa ikalabinlima, at mga teologo sa ikalabing-anim, mga bagong David
kaming nakapagpapabuwal ng mga Goliat na iyan nang napakadali, na
ikinapapatunganga ng mga matatandang babae sa karunungan namin.
Hindi;
hindi ko tinutukoy ang mga gayong malayang palaisip; hindi sila nararapat
pagkaabalahang pakipagtalunan ninuman. Ang tinutukoy ko'y yaong mga taong
binitiwan ng kamay ng Diyos, na nagmamatigas sa kasamaan, na nagpipikit ng mga
mata sa liwanag, yaong mga nananalig sa kanilang sinasabi, na matamang
nakapagwawari-wari at namamatay sa kahuli-hulihang di-pagsisisi, gaya ng sabi
ng aking guro. Ay! may mga mata sila'y hindi nakakakita; may mga pandinig
sila'y hindi nakakarinig; ang puso nila'y parang batong hindi maaaring tamnan
ni tubuan ng anuman.
Nagkaroon
ako ng malungkot na kapalarang makakilala ng isa sa mga sawimpalad na ito, at
bagaman sinikap kong lubos na siya'y mapagbalik-loob, ito'y hindi ko natamo.
Ang
aking bantug na manggagamot, na tinatawag na dalubhasa ng kanyang mga kasama,
ay isang taong malalim at malawak aang kaalaman sa iba't ibang sangkay na
bumubuo ng agham ng sangkatauhan. Habang wala ssiyang ginagawa kundi ang
ipaliwanag sa akin ang araling itinuturo niya, siya'y hinangaa't pinagyukuan ko
ng ulo; datapuwa't buhat ng sandaling siya'y manghimasok sa lupain ng
pilosopiya at relihiyon ayhindi ko na siya pinakikinggan at tinawanan ko na
lamang ang mga pagpapaliwanag niya.
Gayon
ma'y tila may katuwiran siya; napakaliliwanag ng kanyang mga pagpapatunay at
napakabibigat ng kanyang mga pagmamatuwid. Datapwa't palibhasa'y nasanay ako
sapul pa ng aking kamusmusan, hindi ako nahulog kailanman sa gayong mga mapanlinlang
na anyo ng diyablo, at inilalaban ko sa pangyayari ang pananampalataya, sa
pagmamatuwid ang aral ng simbahan, at kailan ma'y hindi ako kinulang ng
pagkakataong makapagsingit ng isnag pagtatangi na lubos kong ikinasisiya.
Bukod
sa lahat ng ito, ang manggagamot na si L. ay may kaugaliang walang
pagmamarangya nguni't hindi magaspang, mga kilos na likas at karaniwan, nguni't
hindi kulang sa pagpipitagan, at ikinalulugod niya ang pakikipag-usap sa amin,
ang pakikipagtalo maging sa pilosopiya nguni't kailan man ay hindi niya dinala
ang panunuligsa sa aming pananampalataya; manaka-naka'y ipinaliliwanag ang
sariling kuru-kuro niya, nguni't lagi namang pinakukundanganan ang mga
pala-palagay ng iba. Kaya nga, kung siya lamang ay hindi natagpuan naming lalo
pang maka-kalayaan kaysa inaakala naming nararapat, siya'y napamahal sana sa
amin; datapuwa't palibhasa'y kaaway siya ng aking Diyos, siya'y nararapat ding
maging kaaway ko.
Sa
pagkamalas kong ang kaluluwang yaong lubhang mahalaga at mulat ay mapapahamak
na walang pagsala kung sa pagkukulang ko ng pag-ibig kristiyano, ay hindi ko
marapating turuan siya tungkol sa tunay na relihiyon, papaglagusin sa kanyang
nadirimlang pag-iisip ang ilang sinag ng liwanag, nagtika akong matibay na
siya'y papagbalikin ng loob, siya'y bahaginan ng mga katotohanang nag-uumapaw
sa aking isip at sa aking puso.
At
sa gayo'y sinamantala ko, isang araw na siya'y lubhang namamanglaw, na siya'y
lapitan ko upang makipagtalo sa kanya at nang mapabalik sa mabuting landas.
Kapag ang mga sakit ay tumataos sa kaluluwa, ito'y tandang ninanais ng Diyos na
ang kaluluwang yao'y mahanda para sa mabubuting bagay. O gaya ng sinasabi ng
isang dakilang mangangaral na dominiko na kinalulugdan ko nang ako'y bata pa:
"Kapag ang malamig na ulan ng mga luhang makalangit ay pumapatak sa lupang
tigang ng baog na puso't kaluluwa, ang mga patak ng biyaya'y nagpapataba sa
lupang tinigang ng init ng impiyerno, at sa gayon, ang taga-hasik ng Simbahan
ay maaaring makapagtanim sa mga nadilig na linang na yaon ng binhing maka-Diyos
ng mga kautusan ng ating Banal na Inang Simbahan."
Ako'y
naaaliw na ng kaisipang makapagpapabalik-loob ako saa isang dakilang tao, at
dahil dito'y magiging marapat akong mapatawad sa mga kasalanan ko; kaya nga,
nang siya'y matagpuan ko, isang araw na nag-iisip nang malalim, sa kanyang
halamanan, ay nilapitan ko siyang taglay ang balak na kayagin ko siya sa isang
pagtatalo hinggil sa mga bagay na nauukol sa Diyos.
--
Aba! --ang naibulalas niyang angkin ang katutubong katamisan sa pakikipag-usap,
nang ako'y makita niya --napapanahon ang pagkakaparito ninyo; tingnan ninyo ang
sangang itong idinugtong sa ibang punungkahoy kung paano ang ginawa ng
kalikasan…kahanga-hanga halos.
At
siya'y nag-isip ng malalim.
--Ang
Diyos ang ibig ninyong sabihin-- ang nagmamadali kong pagwawasto sa kanyang
sinabi.
--Maging
ang Diyos o maging ang kalikasan, kaibigan, sa akin ay iyon din -- ang itinugon
niyang may malungkot na ngiti -- Nababatid ninyong mabuti na isa sa maraming
pagpapakahulugan ng mga pilosopong eskolastiko sa salitang lating natura (kalikasan)
ay Deus (Diyos). Sa anu't anuman, hindi ako nanghihimasok na makialam
kung ang Diyos din ang gumagawa diyan o ang kalikasang itinalaga ng Diyos.
Datapuwa't iwan natin ito, na isang suliraning tigang at walang anuman tayong
makukuhang maliwanag; ang pag-usapan natin ay kayo.
--Huwag,
huwag--aniko--bagkus pa nga'y ito ang dapat nating pag-usapan: ito'y isang
pag-uusap na lubha kong ikinalulugod sapagka't marami akong natutuhan at
pinatitibay ako sa aking mga pananalig.
Malungkot
siyang ngumiti at sumagot.
--Isaysay
ninyo sa akin ang anumang bagay na may kinalaman sa inyong bansa, na ibig na
ibig kong makita, at gayon man, sa palagay ko'y mamamatay ako nang hindi ko
makikita. Sa aking gulang…
--Sa
inyong gulang--ang salo ko--ay hindi na kayo nararapat mag-isip pa ng mga
paglalakbay; may isang paglalakbay na nararapat ninyong pagkaabalahang lalo, at
ito ang ating pag-usapan.
--Ang
paglalakbay bang iya'y nagawa na ninyo kailan man?-- ang tanong niya na
nahulaan ang ibig kong tukuyin.
--Hindi
pa, nguni't ang iba'y nakagawa na niyaon, gaya rin ng gagawin nating dalawa.
--Natitiyak
ba ninyo?
--Lubhang
natitiyak ko.
--Nguni't
paano ninyo nalalamang ang paglalakbay na iya'y ginagawa? Sino ang nagsabi sa
inyo?
--Paano?
Sino?…sino pa kundi ang ating banal na Inang Simbahan.
--At
sa simbahan, sino ang nagsabi ng gayon?
--Si
Hesukristo, sa kanyang mga Ebanghelyo.
--Sino
ang may katha ng Ebanghelyo?
--Ang
mga apostoles.
--Natitiyak
ba ninyo?
--Mangyari
pa! Bukod dito…
--Magaling
binabati ko kayo kung natitiyak ninyo; higit pa sa riyan ay hindi na
makahihingi sa inyo ang Diyos, sa dahilang kayo'y gumagawa alinsunod sa inyong
iniisip; kayo'y umiisip alinsunod sa inyong pananampalataya, at kayo'y
sumasampalataya alinsunod sa inyong budhi. Ang Diyos ay hindi humihingi ng
di-mangyayari. --At matapos tingnan ang kanyang orasan ay inanyayahan akong
sumalo sa kanya, sapagka't oras na noon ng pagkain.
--Napagkilala
kong siya'y umiiwas sa lahat ng pakikipagtalo. Sa pagnanasa kong siya'y huwag
mayamot, ay ipinagpaliban ko para sa ibang araw ang pagpapabalik-loob atr
inaasam-asam ko ang lalong mabuting kapalaran.
Ang
lalong nakapagpapalakas ng aking loob sa gawaing isinabalikat ko'y ang pagkapansin
ko na siya, bukod sa matuwid na patakaran hinggil sa kagandahang-asal, ay
mayroon pang katutubong pagkakahilig o isang uri ng pagkakabuhos ng loob sa
aming banal na relihiyon. Ang kanyang asawa at anak na babae'y mga katoliko,
nakikinig ng misa, nagkukumpisal, nakikinabang, at nangingilin tuwing ito'y
iniuutos ng Simbahan. Sa ganang kanya, bagama't siya'y hindi tumatanggap ng mga
sakramento, ang pamumuhay naman niya'y sapat na uliran, wala siya ng anumang
bisyo; gumagamot siya ng walang bayad sa mga mahihirap na binibigyan pa niya ng
gamot, namumudmod siya ng mga limos, at hindi siya narinig na umupasala kailan
man sa kaninuman, kahit na sa pamahalaang maaaring siyang lahat ng bagay na
maaaring masabi.
--Totoong
kahina-hinayang-- ang nasasabi kong madalas sa aking sarili-- na ang gayon
karaming kabutihan ay mawalan ng kabuluhan at ang gayon na kalawak na
karunungan at gayon kalaking pagpapakahirap ay humantong sa impiyerno!-- Sa
katunayan, siyaa'y hindi ko nalilimutan sa aking mga panalangin, bagay na
marahil ay nakatutulong pa sa pananatili niya sa gayong kalagayan.
Gaya
ng aking sinabi, siya'y may isang anak na dalagang napakabait, maganda at
napakamagiliwin.
Palibhasa'y
nabuo na sa aking loob ang pagiging anino niya, ipinasiya kong lumigaw sa
kanyang anak na dalaga upang sa ganitong paraa'y magkaroon ako ng maraming
pagkakataong makipag-usap at makipagkita sa kanya sa kanyang tahanan, at baka
kung magkatuwang kami ng kanyang anak ay maakay namin siya sa mabuting landas.
Sasabihin
ninyo sa aking ang landas na pinili ko ay may kahabaan; marahil ay may
katuwiran kayo, nguni't yao'y siyang lalong tiyak. Ang lahat ng ito'y
alang-alang sa pag-ibig sa Diyos!
Lumigaw
nga ako sa kanyang anak na babae; datapuwa't itinadhana ng Diyos, upang aako'y
subukin, marahil, na ang pag-ibig ko'y huwag niyang tanggapin, bagama't madalas
kong iginiit sa kanya ang aking pag-ibig, madalas ko siyang dalawin, at madalas
kausapin tungkol sa kalangitan at sa aking mga pag-asa. Dumating ang isang
sandaling inakala kong ang diyablo, sa takot nitong matupad ang aking balak, ay
humadlang, sa pamamagitan ng lahat ng kaparaanang maaaring gawin sa aking mga
banal na hangarin, nguni't sa sandaling pagwawari-wari'y naunawaan kong hindi
maaari ang gayon dahil sa katuwirang sumusunod. Ang diyablo, na
napakamapaglalang, napakamanunukso, aay dapat sanang tumulong sa pag-iibigan
namin, upang pagkatapos ay libangin ako, ilayo sa aking landas at patahakin ng
ibang daan.
Sa
pananalig ko, samakatuwid, na ang lahat ay kalooban ng Diyos, lalo't lalo akong
sumigla sa paniniwalang ang bagay na yao'y tandang nagpapakilala na ang lahat
ng aking ginagawa ay kalugud-lugod sa kanyang mga mata.
Sinamantala
ko ang lahat ng pagkakataon upang makipagtalo sa kanya, at dahil sa siya'y
lubhang maalam ng mga Banal na Kasulatan, ng mga Ebanghelyo at iba't ibang
kinatha ng mga"santos padres," aay kinailangan ko ring mag-aral ng
mga batayang ito ang ating Relihiyon upang huwag akong maiwan sa huli.
Hindi
niya tinatanggap ang aral-kristiyano. Kinausap ko siya tungkol sa apat na
impiyernong nasa gitna ng lupa sang-ayon kay Pari Astete at ako'y nginitian
niya bilang katugunan. Tungkol sa mga ibang bagay, walang anuman siyang
itinatanggi, datapuwa't hindi naman niya sinasang-ayunan ang lahat ng sinasabi
ko.
Isang
araw ay tinanong ko siya kung tayo'y may kaluluwa at kung ito'y kanyang
pinaniniwalaan. Sinagot niya ako--Iyan ba'y pinaniniwalaan ninyo?
--Opo,
ako'y naniniwalang may kaluluwa at kung paanong ito'y nabubuhay at kung bakit
nabubuhay.
--Napakabuti,
kung gayon-- anya, at ako'y kinausap hinggil sa mga ibang bagay.
Datapuwa't
minsan ay sinabi niya sa silid aralan na palibhasa tayo'y walang tiyak na
kaalaman kung anong talaga ang bagay na nadarama (materia), hindi natin
nasasaklawan ang mga katangian nito, kaya hindi natin maaaring itanggi sa kanya
ang mga katangiang hindi natin nalalaman kung sa anong uri ng nilikha lamang
maiuukol.
Sa
ibang pagkakataon ay sinabi niyang ang tao'y nakauunawa ng mga kaisipan sa iang
paraang nadarama at lagi nang sa ilalim ng isang kaanyuan, at ang tao'y walang
tiyak na pagkaunawa kung ano ang kawalang hangga, at ang lahat nang kanyang
nagugunita o nabubuo sa pangunawa ay may pagkakatulad sa mga bagay na nasa
labas.
Minsan,
dahilan sa isang dakilang pangyayari ay sinabi niya sa gitna ng malaking
kasiglahan na ang tao, upang mapanagot sa kanyang mga gawa, upang maging
karapat-dapat sa gantimpala o parusa, ay nararapat gumawa, alinsunod lamang sa
kanyang budhi't pagkaunawa, nang hindi napatatangay sa kuru-kuro ng iba, sa dahilang
sapul sa sandaling siya'y gumawa dahil sa lakas ng iba, ay nawawala sa kanya
ang katangiang pagkamalaya at siya'y hindi gumagawa alinsunod sa kanyang sarili
bagkus pa nga'y alinsunod sa iba. Datapuwa't pinaninindigan niyang ang budhi'y
nararapat maging mulat, at maligtas sa anumang sukat makalpilit sa kanya.
Sinabi rin niyang ang Diyos ay hindi humihingi sa tao ng isang di-mangyayari,
at sa dahilang ito'y hindi siya nag-uutos na makitang puti ang itim o itim ang
puti. Kung sinasabi ng aking pagkaunawa na ang isang bagay ay nararapat maging
gayon, hindi ako dapat maniwalang maging kaiba; ang ako'y mangatuwiran nang
higit o kulang sa kaliwanagan, ay hindi nauukol sa akin; ako'y walang
tungkuling maging pantas kundi isang taong may budhi at may pananalig; gayon
ma'y hindi ko iniwawaksi ang liwanag kailan ma't ito'y makatatanglaw sa akin.
Napapansin
kong bahagya nang nakaiisod sa dalawa kong nilalayon. Maging ang ama't maging
ang anak na dalaga'y nananatiling nakatayo at hindi sumusuko. Datapuwa't
napansin kong ang ama'y lalu't lalong nagmamatigas sa kanyang mga kuru-kuro at
ang anak na dalaga nama'y lumalambot araw-araw bagama't bahagyang-bahagya
lamang.
Doo'y
nakikita kong maliwanag na maliwanag ang kamay ng Diyos at naaabot ko na halos
ang bunga ng gayon kalaking pagpapagod, nang isang araw ay nagkasakit ang ama
upang hindi na makabangong muli. Isang binatang manggagamot, na madalas na sa
bahay na yaon, ang siyang pinagkatiwalaang gumamot sa maysakit; siya'y
nag-aangkin ng malaking kabantugan at pinakukundanganan siya ng maysakit bilang
manggagamot at bilang kaibigan. Ipagpaumanhin ninyong sabihin kong ako'y
nagpuyat sa tabi ng hihigan ng maysakit ng dalawa o tatlong gabi, akong
nag-aabang ng lahat ng sandali upang siya'y kausapin tungkol sa Diyos, maging
sa pakikipag-usap sa kanyang anak, na lalong nagiging mapag-isip araw-araw, at
lalong magiliwin din sa akin. Ako'y nagmamalasakit nang gayon na lamang dahil
sa kanya, sapagka't nakikita ko sa kanya marahil ang pinaka-kasangkapan ng
Diyos para sa mga kapuri-puring hangarin; at maaari kong tiyakin sa inyo ang
kalinisan ng aking mga kaisipan. Hanggang ako'y nakahandang pakasal sa kanya
kung ito'y naging kailangan, at lahat nang iya'y alang-alang sa pag-ibig ko sa
Diyos.
Gayunma'y
nakikini-kinita ng maysakit na nalalapit na siya sa hukay at ito'y madalas
niyang ipahayag. Nagugunita ko pa ang gabing sinundan ng kanyang pagkamatay.
Noo'y nagkakatipon kami sa silid-tulugan , siya na nasa kama, ang kanyang
maybahay, ang kanyang anak at ako.
Ang
maysakit ay maputla, payat, ang pagmumukha'y malungkot at di-sukat malirip.
Mahirap ang kanyang paghinga, nguni't kinamamasdan ng isang wari'y himig ng
katiwasayang nagbibigay sa kanyang mukha ng katangi-tanging panghalina.
Ang
maybahay niyang nakaupo sa isang lukluka'y taimtim na nananalangin sa
katahimikan; ang tingin niya'y nakapako sa kanyang asawa, nguni't anong
tingin!…Namamalas ditong nagugunita niya ang buong kahapong maligaya…Ni isa
mang kurus ay wala.
Ang
anak na dalagang dalawang gabi nang hindi nakakatulog ay nakaupong walang
kakilus-kilos sa isang malaking silya pinagagalagala ang paningin nang walang
anumang bagay na minamalas. Kay ganda niya sa aking paningin, sa kanyang
pamumutla at mga matang nagmamakaawa. Kung ang maysakit ay naging katoliko
lamang, marahil ay napagkamalan ko siyang anghel na tagatanod, na nagpupuyat sa
dakong ulunan ng maysakit upang ipailanlang ang kaluluwa nito sa langit,
datapuwa't sa kasawiang palad ay hindi maaaring gayon.
--Hali
kayo-- anang maysakit sa mahina nguni't magiliw na tinig--magsilapit kayo:
mahahalaga sa akin ang mga sandali…Nalalaman kong nalalapit na ang aking oras
at sa loob ng ilang sandali'y makikita ko na marahil ang Diyos at makapapasok
sa hindi ko maunawaan kailan man…
--Tunay
-- ang nagmamadali kong isinagot-- kayyo'y haharap sa Diyos kaya tumanggap kayo
ng mga sakramento.
--Kaibigan
ko--ang itinugon niyang kasabay ang bahagyang pagkilos at ako'y tinitigang may
pasasalamat--salamat sa inyong mabubuting hangarin; nguni't huwag nating
pag-usapan ang bagay ba iyan…ako'y mamamatay na kinakailangan ko ang panahong
ito upang maiukol sa aking pamilya.
Ang
mga hibik ng ina't anak na kinuyom nang mahabang panahon ay hindi napigilan.
--Bakit?
Tumatangis ba kayong nangagsisipaniwala sa kabilang buhay? --ang naibulalas niya--
ako ang nararapat tumangis palibhasa'y hindi ko nalalaman kung anio ang
mangyayari sa inyo…
--O!
sa bagay na iya'y huwag kayong mabahala--aang maliksi kong ipinutol.
--Ano
ang mangyayari sa inyo? --ang patuloy niya--Halika, anak ko, lumapit ka; idaop
mo ang iyong mga kamay sa aking mga kamay…nanlalamig…sapagka't nalalapit na ang
kamatayan…hindi ko na nararandamang mabuti ang init ng iyong mga palad.
--Tatay…tatay!--ang
tumatangis na sigaw ng kanyang anak na nanikluhod.
Ang
asawa'y nakaluhod din sa paanan ng hihigan.
--Huwag
kayong umiyak…bagkus makinig kayo sa akin…Sa malawak na pag-aalinlangan tungkol
sa hinaharap…ngayong kayo'y aking lilisanin, walang ibang bagay na bumabagabag
sa akin kundi ang iyong kabuhayan…dinggin mo, anak ko: natatalos kong ikaw ay
umiibig, bagama't ito'y hindi mo sinasabi sa akin kailan man, nguni't yao'y
alam ko…hindi ba totoo?…kung gayon…
--O,
huwag ninyong pagkaabalahan ang bagay na iyan, ama ko…kung siya'y hindi ninyo
gusto, hindi ko siya iibigin.
Pumitlag
ang aking puso at ako'y lalo pang lumapit upang makarinig na mabuti.
--Hindi,
sa paano't paano ma'y hindi-- anang maysakit-- Ikinagagalak ko ang iyong
pagpili at ninanais kong ikaw ay pakasal sa kanya.
Maninikluhod
na sana ako upang magpasalamat sa kanya, nang sa-bubukas ang pinto at sa
-papasok ang manggagamot na balisang-bbalisa. Ang anyo ng silid aay ikinataka
niya.
--Hinihintay
kita, anak ko--anang maysakit sa kanya--halika, lumuhod ka… sa ganya'y
ipinagkakaloobko sa iyo ang aking aanak na dalaga… siya'y gawin mong isang
mabuting maybahay…binabasbasab ko ang inyong pag-iibigan.
At
siya'y namatay.
Aywan
ko kung anong nangyari sa akin; hindi ko na namalayan ang nangyari pagkatapos.
Tuwing
ginugunita ko na ang kaluluwang yao'y napariwara magpasawalang hanggan at hindi
ko na siya nailigtas…ako, na lubhang nagpagod…ay! ang huli nang di-pagsisisi!
Ang
parusang iginawad ng Diyos sa mga malayang palaisip na yaon
…Nakapanghihilakbot!
Buhat
noon, sa pagkamalas kong ipinagkakait ng Diyos ang kanyang kamay sa mga
sawimpalad na ito'y hindi na ako nagtangkang magpabalik-loob sa kaninuman.
Mapahamak na sila!
At
dahil diya'y kinailangan ko pang lumigaw sa kanyang anak na dalaga!