ANG MGA PAGLALAKBAY


Jose Rizal

 

  (Sipi sa La Solidaridad, pahayagang makademokrasyang lumalabas tuwing ikalabinlimang araw. Taon I, Bilang 7, Barselona, ika-15 ng Mayo, 1889.)

          Sino ang hindi nakapaglakbay? Sino ang hindi nawiwili sa mga paglalakbay sa mga ito'y siyang pangarap ng kabataan sa unang pagkaalam niya ng kahalagahan ng buhay, sa ang mga paglalakbay ay isang aklat para sa mga may sapat na gulang, kapag ang paglulunggati ng karununga'y siyang kinaaabalahan ng diwa, at sa wakas, ang mga paglalakbay ay siyang huling pahimakas ng matatanda kapag nagpapaalam sa daigdig upang tumahak sa lalong pinakamahiwagang landas?

          Ang paglalakbay ay isang humaling ng kamusmusan, isang simbuyo ng kabataan, isang pangangailangan ng mga tao at isang malungkot na tula ng katandaan.

          Huwag ninyong basahin sa mga bata ang Robinson ni ang Gulliver, kung hindi ninyo nais na malingaw sa mga tanong hinggil sa mga bayang iyong ang mga panghalina'y ipinagiging maramdamin ng kanilang kaisipan; huwag ninyong ilarawan sa mga bata ang mga damdamin, ang mga biglang pagbabagu-bago, pakikipagsapalaran sa mga bansang banyaga o kaya'y di-kilala; alisin ninyo sa mga mata nila sina Julio Verne, Mayne Reid, sapagka't kung hindi, ay pupukawin ninyo ang mga gabi nila, at maidaragdag pa ninyo sa sumisilang nilang hangarin, na balabalaki't mapupusok, ang isa pang magpapasakit sa kanila sa pagkapailalim sa iba o sa kanilang kakapusan ng salapi. May napakalaking pangganyak sa mga kababalaghang di-kilala, napakalaking panghalina sa pagmamasid sa kalikasan!

          Katutubo na sa tao ang pagnanasa sa paglalakbay gaya ng pagnanasa sa karunungan, na tila baga yao'y inilagay ng Lumikha sa bawa't isa sa atin, upang sa udyok niya'y pag-aralan at kamanghaan natin ang kanyang mga gawa, makipagtalastasan at makipagkapatiran tayong pinapaghiwalay ng kalayaan, at kapag nagkakaisa na'y bumubuo ng iisang angkang lunggati ng tanang mga palaisip.

          Sa dahilang ito, kaya ang tao'y ginawang mamamayan ng daigdig, nilikha ang mga dagat upang sa ibabaw ng nahahawing katawan nito'y makapagpadulas ang mga sasakyang-dagat; ang hangin, upang siyang makapagtulak at makapagpatakbo ng mga yaon; at ang mga bituin, upang siyang makapamatnugot kahit sa gabing lalong madilim; at ang ilog na bumabagtas sa iba't ibang dako. Siya'y nagbukas sa mga batong malalaki ng mga lulusuta't daraanan, nagtayo ng mga tulay, nagbigay sa arabe ng mga kamelyong gagamitin sa mga malalawak na ilang, at ng reno at aso sa mga naninrahan sa mga napakalamig na kadulu-duluhan ng lupa, upang humila ng mga sasakyan nilang walang gulong na ginagamit sa yelo.

          Ang buong pagkakasulong ng mga lipunang makabago ay utang na lahat halos sa mga paglalakbay. At sa katunayan, buhat pa sa kauna-unahang panahon, ay naglalakbay na ang mga tao sa paghanap ng karunungan, na para bagang ito'y nakasulat sa mga lupi ng dagat, sa mga dahon ng mga punong-kahoy, sa mga bato ng lansangan, sa mga bantayog at mga libingan.

          Ang mga griyego'y nagsadya sa Ehipto upang humingi sa mga pare nito ng aral; nagbasa sila ng mga papiro at natilihan sa panonood ng napakalaking libingang makulimlim na kinatawan ng kaisipang pambansa; sila'y sumimsim ng sigla sa kanilang luksang kadakilaan, gaya ng ginagawa ngayon ng mga pantas sa Europa sa mga heroglipiko o di-madamulat na titik; at buhat doo'y nagsiuwing mga dalubhasang pilosopo, gaya ni Pitagoras, mga mananalaysay, gaya ni Herodato, mga mambabatas, gaya nina Likurgo at Solon, at mga makatang gaya nina Orfeo at Homero. At ang relihiyon, ang kabihasnan, ang mga agham, ang mga batas at ang mga kaugalian ay nanggagaling noon sa Ehipto, bagaman sa pagsadsad nilaa sa mga nakangiting baybayin ng Elade, ay naghuhubad ng kanilang mga mahiwagang bihis upang magsuot ng pangkaraniwan at kaakit-akit na kauutan ng mga anak na babae ng Gresya.

          Pagkatapos buhat sa tudling na iginuhit ng isang araro'y gumitaw ang isang bayang malakas, masipag, dakila, palalo, at kahanga-hanga. Buhat sa kanyang kapitolyo ay pinagala ang tingin sa daigdig, na naging karapat-dapat n apakay ng isang kasakimang walang hanggan, at nagpalagablab sa kanyang mga hangarin. Pinawalan ang kanyang mga limbas at pinalakad ang kanyang mga kawal. Sa pagbalik ng mga ito'y nakasinghaw na sa karwahe ang lahat ng mga bansa. Ang Gresyang napakaliit ay nahigop ng Roman lalong mapagwagi, datapuwa't ginawa ng Gresya sa Roma ang ginawa rin ng Ehipto sa Gresya; tinuruan ng Gresya ang mga anak ng Roma,pinalamutihan ng mga gawa ng kanyang mga anak ang mga lansangan at liwasan nito; at amh lahat niyang karunungan, agham, pilosopiya, mga sining ukol sa kariktan at panitikan, ay inilipat sa Roma, at bagama't ang mga yao'y nahawahan ng angking panghalina't kariktan, ay naragdagan naman sa kadakilaa't kamarhalikaan sa pagpapakilala ng wani (genio) ng bayang palalo. Sa gayo'y nasaksihan sa Roma ang nangyayari ngayon sa mga bayang bihasa hinggil sa pagpapahalaga't paggaya sa mga bagay-bagay na galing sa Pransiya; ang kabihasnang griyego ay nakapasok sa lahat ng dako, ang mga tula't mga salita niya'y nagpalipat-lipat sa mga bibig, ang mga kaugalia't pilosopiya niya'y tinularan at isinagawa. Ang agham nga at ang kabihasnan na hanggang sa mga araw na yao'y naging pag-aari ng Silangann, sa pagtulad sa katutubong takbo ng mga buntala, ay nagtungo sa Kanluran, bagaman nang dumating na sa puso ng daigdig ay tumigil na para bagang ibig magturo sa lahat ng mga bansa't mga lahi. Nang panahong yaon, ang Iberya, Galya, Germanya, Bretanya at pati na ang Aprika ay nagpapadala ng mga anak nila sa lunsod na siyang tagpuan ng kapangyarihan, ng karunungan at ng kayamanan, upang makita, hangaaan at mapag-aralaan nila sa maluwang na pook na nakukubkob ng mga pader, ang tanang nahaka ng isip ng tao hanggang sa panahong iyon. Palabas na itinanghal sa lahat ng panahon ng sangkatauhan ang pagtungo nito sa liwanag upang ang lupa'y matanglawan. Ang sanhi nito ay sapagka't kalakip ng kalikasan ng tao ang pagkahilig sa kaganapan, gaya ng kalakip ng pinakabuod ng mga katawan ang kabigatan, gaya rin ng kalakip ang diwa ng kaliwanagan sa pagkilala sa araw.

          At habang tumatanda ang mga bayan ay nawawalan ng katas na nagpapalusog sa kanila noong unang panahon, at isinisilang naman ang ibang bayang lalong bata upang maging tagapagmana niyaong mahalagang kayamanang natipon ng malaking angkan ng sangkatauhan sa pamumuhunan ng panahon at mga pagpapakasakit.

          Nabigo ang pagpapakawala ng Hilaga ng mga sigwa upang maghatid ng kamatayan sa masasayang lunsod ng Europa; walang napala ang kamangmangan at kabuktutan sa pagkapagsimsim sa ibabaw ng libingan ng Romang panginoon ng daigdig; kung ang agham ay tumakas na nasisindak, ang gayo'y upang magpalakas lamang sa pagkakaligpit sa mga klaustro at nang buhat dito'y muling makalabas na hindi nahuhutok at matatag, at inaakay ng kakristiyanuhan upang imulat ang mga mata ng pulutong ng mga taong walang tutol na nagtangkang sumakal sa kanya.

          Sa gayo'y itinatag ang mga Pamantasan. Maraming mga nangagsidayo buhat sa lahat ng dako upang pumasok sa mga pamantasan, at ginawa nila ang ginawa ng mga griyego sa Ehipto, ng mga romano sa Gresiya, at ng buong sandaigdig sa Roma at Bisansiyo. Sa lahat ng mga panahon at sa lahat ng mga kapanahunan ng kasaysayan, ang mga paglalakbay ay siyang naging matibay na suhay ng kabihasnan, palibhasa sa paglalakbay lamang nahuhulog, naaaralan at namumulat ang puso't diwa, sa dahilang sa paglalakbay lamang nakikita at napag-aaralan ang lahat ng pagkakaunlad, ang mga karunungang gaya ng Heolohiyang nauukol sa anyo't pagkakabuo ng lupa, ang Heograpiyang naglalarawan ng iba't ibang panig ng lupa, ang Politikang natutungod sa pamamahala, ang Etnolohiyang nauukol sa iba't ibang lahi ng tao, ang Lingguwistikang nauukol sa iba't ibang wika, ang Meteorolohiyang tumatalakay sa mga pangyayari sa papawirin, ang kasaysayan, ang mga hayop, ang mga halaman, ang Estadistika, Eskultura, Arkitektura at Pintura at iba pa; lahat ng nasasangkap sa kaalaman ng tao ay dumaraan at nabubunyag sa mga mata ng manlalakbay.

          Sinumang nakakakilala ng lahat ng lupa, ng topograpiya ng isang bansa, sa pamamagitan ng mga mapa at planong sinusuri sa loob ng isang tanggapan ay magkakaroon ng isang kaalaman, hindi ko sasabihing hindi, datapuwa't isang kaalamang kawangis ng kaalamang maaaring makamit ng nakakakilala, sa pamamagitan ng mga lathalain ng mga pahayagan, ng mga opera ni Meyerber o Rossini. Maaaring makitang nakaukit o nakalarawan ang isang buong lupain, at ang pagkakakilala ng naglalarawan sa lupaing iyon ay maaaring napakaliwanag na naari niyang ilipat sa kayo ng isang silahis ng araw ng lupain, ang kalamigan ng kanyang langit, ang kasariwaan ng kanyang mga parang, ang kamarhalikaan ng kanyang masaganang daloy ng tubig at mga bulubulundukin, ang mga mamamayan at mga hayop at sampung paggalaw na ikinikintal sa damo ng magaang na paghampas ng pakpak ng hanging banayad at palay-palay -- ang lahat ng ito'y pawang maisasagawa ng pinsel ng isang tagapaglarawan ng mga bansa, gaya nina Claudio Lorena, Ruysdael, o Calame at maaaring higit pa sa riyan marahil, datapuwa't hindi maaaring agawin sa kalikasan at ilipat sa kayo yaong buhay na pagkikintal sa alaala na siya lamang ang nakaaalam at maaaring magbigay, yaong paggalaw, yaong buhay na nasusumpungan sa awit ng mga ibon at mga punung-kahoy, sa halimuyak o bangong sarili ng pook, sa aywan ko ba kung anong hindi maaaring maipaliwanag na nadarama nguni't natitiyak ng manlalakbay at tila gumigising ng mga matatandang gunita ng mga maalindog na araw, mga kalungkutan, mga katuwaang nagsiyao upang hindi na magbalik; isang pag-ibig na nalimot, isang larawang minahal sa kanyang kabataang pumanaw sa gitna ng ipu-ipo ng daigdig, mga nalikhang nagsiyao na, mga kakilala… aywan ko ba kung ano pa! Mga damdaming malulungkot na nilikha ng anyo, pagmumukha o singaw ng bansa o kaya'y ng wani, nimpa o Diyos, gaya ng sinasabi ng matatanda. Maaari ninyong makita sa larawan na sinasalpok ng dagat, halimbawa, ang baybayin ng Italya nang isang hapong sakdal ganda, kapag ginigintuan ng mga nakahahalinang silahis ng araw ang mapuputing dampang nakatayo sa mga batong nababalot ng mga luntia't kulay esmeraldang putong na mga bulaklak; ang tubig at bulang sumasalpok sa mga nakakubling sinapupunan ng mga batong malalaki, kaakibat ng nadaramang katotohanang kapanga-pangarap ng mga pook na yaon, kung maaaring gamitin ang ganitong pangungusap; datapuwa't hindi ninyo napapansin at napanghihinyangan ninyo ang kawalan ng halimuyak, ng buhay, ng galaw, ng kadakilaan; hindi ninyo mahahagap ang buong panghalina ng mga itinanging bagay na yaon, na ginawang walang kamatayan ng napakaraming makata, hindi ninyo malilibot ng tingin ang panooring yaong nakatawa't matulain, gaya ng pagkakatawa buhat sa isang sasakyang-dagat ng isang taong magiliw na hinahagkan-hagkan ng simoy ng hanging nagpapaumbok sa mga layag, at nakikitang napakarahang tumatalilis na walang iniwan sa pagtalilis ng mga pakpak ng panaginip sa noo ng sanggol, ng unang kataga ng pag-ibig sa mga labi ng isang birhen, ng magkakaayos na tunog ng isang malayong orkestra sa katahimikan ng gabi. Anong mga simbuyo, anong mga damdaming totoong bala-balaki ang sa bawa't hakbang ay tumitigatig sa puso kapag naglalakbay sa isang bansang banyaga't di-kilala? Doo'y bago ang lahat: mga kaugalian, wika, pagmumukha, gusali at marami pang iba…lahat ay pawang karapat-dapat matyagan at bulaybulayin.

          Katulad ng sinsabing ang tao'y dumarami habang ang mga wikang nalalaman at sinasalita niya, gayon din naman, ang buhay niya'y lumalawig at nababago habang dumarami ang iba't ibang bansang nadadalaw niya. Lalo siyang nabubuhay sa dahilang siya'y nakakakita, nakararamdam, nagpapasasa, nakapag-aaral nang sa higit kaysa hindi nakakita liban sa iyu't iyon ding mga parang at iyu't iyon ding langit. Sa taong ito, ang mga araw ng kahapon ay siya ring mga araw ngayon at siya ring magiging araw bukas, alalaong baga'y nagkakasya ang kanyang buong buhay, sa kauna-unahang bukang liwayway at sa kauna-unahang dapit hapon.

          Anong pagbabago ang hindi nagagawa sa kaisipan ng isang dayo lamang na umalis sa kanyang lupang tinubuan, at naglilibot sa iba't ibang bayan? Maliit na ibong datirati'y walang ibong nakikita maliban sa tuyong damong kawad-kawaran ng kanyang pugad, at ngayo'y nanonood ng mga tanawin, malalawak na dagat, mga talon ng tubig, mga ilog, mga bulubulundukin at mga kagubatan at lahat ng maaaring makapag-bigay sigla sa isang mapangaraping gunamgunam. Naitutuwid ang kanyang mga pasiya't kaisipan; napaparam ang napakaraming pagkabagabag; napagsusuri sa malapit ang noong una'y hinatulan nang hindi man lamang nakikita; nasusumpungan ang mga bagong bagay-bagay na pumupukaw ng mga bagong pagkukuro; kinamamanghaan ang tao dahil sa kadakilaan nito, gaya ng ito'y bulag na pagkamakanyahin ay nahahalinhan ng pandaigdig at pangmagkakapatid na pagpapahalaga sa lahat ng ibang tao sa daigdig at nawawakasan ang kanyang pagiging alingawngaw lamang ng mga kuru-kuro ng iba upang mgapahayag ng mga sariling palagay, ng mga pasiyang napukaw ng mga tuwira't sariling kaalaman. Ang pakikisalamuha sa mga tao, ang kahinahunan at matinong pagkukuro sa lahat ng gawain, ang malalim na pagmumuni, isang kaalamang nagbuhat sa karanasan tungkol sa lahat ng mga sining at agham, na kung hindi man malalim at ganap, ay wala namang pagkapawi at tiyak -- naito ang mga pakinabang na maaaring matamo sa paglalakbay ng isang diwang mapagmatyag at palaaral.

          Maaaring ilarawan ng isang aklat ang mga mamamayan, ang kasaysayan, ang mga bantayog, ang mga gawa, ang relihiyon-- lahat ng may kaugnayan sa isang bayani; ang kaalamang ito bagama't kapaki-pakinabang at sapat ay hindi nakasisiya sa mapaghinalang mambabasa na lagi nang naghahangad na siya rin ang makakita sa mga bagay-bagay; at malao't madali ay nalilimutan ang mga kaalamang palibhasa'y hindi natatanim sa alaala, gaya ng sa isang taong nakapaglibot, nakakita, nakadama at nakapagsuri, sapagka't ang mga ito'y nag-iiwan ng mga kaisipang ikinikintal ng mga pangyayari sa isang paraang hindi mangyayaring makalimutan.

          Ang mga makabagong bansa'y nakakikilala ng pakinabang na natatamo sa ganitong uri ng mga pag-aaral at ang lahat ng mga hilig ay nauuwi sa pagpaparami ng mga sangkap ng pakipagtalastasan.

          Sa ganitong kaparaana'y naiuuwi ng manlalakbay sa kanyang bayan ang mabubuting paggamit na nakita niya sa mga iba at tinatangkang ang mga yao'y gamiting taglay ng mga kinakailangang pagbabago; ang iba ay mga kayamana't mga kalakal na wala sa kanyang bayan; ito naman ay ang pananampalataya, ang mga batas at ang mga kaugalian; at yaong isa pa ay ang mga kaugaliang panlipunan at ang mga nababagong pagsasaayos; at sa ganito'y naipapasok ang lahat ng ikabubuti ng lipunan, pananampalataya't pulitika. Magiging tanda, samakatuwid, ang pagkakaunlad ng isang bayan ang mabuting kalagayan ng kanyang mga kagamitan sa pakikipagtalastasan at pangangalakal, gaya ng pagiging tanda ng kalusugan ng tao ang mahinusay na pagtakbo ng dugo sa lahat ng ugat ng buong katawan; sa dahilang kung wala ng mga kagamitang ito ay walang pakikipagtalastasan ay hindi mauunawaan ang mga pagkakabigkis, at kung walang pagkakabigkis ay hindi maaaring magkaroon ni ng pagkakaisa ni ng lakas, at kung walang lakas ni pagkakaisa'y hindi makararating kailanman sa kaganapan ni sa pagkakaunlad.

          Sa gayo'y nahuhulo ang pagsusumakit sa pagbubukas ng mga lansangan, mga tunel o daan sa ilalim ng lupa, mga landas; ang paggawa ng mga tulay, sasakyang-dagat, tren at daang-bakal, at dahil sa tila ang lupa'y nagiging maliit para sa gayon karaming pagkilos ay nilulusob pati ng himpapawid na hindi pa natatagalang isang kahariang sarili lamang ng mga ibon at mga ulap.

          Dahil dito'y naglalakbay, nandarayuhang payao't dito ang lahat ng mga nilikha sa lupa, buhat sa kulisap na may pakpak na nagpapalipat-lipat sa mga bulaklak, sa mga halaman at sa mga pastulan hanggang sa daigdig, iyang maliit na manlalakbay sa kalawakang walang hangga, gaya ng langay-langayan kapag humahanap ng lalong mabubuting singaw, ng binhing tinatangay ng hangin, ng isda sa mga di-kilalang kailaliman ng dagat, o ng taong tumutuklas at kumikilala ng malalawak niyang mga nasasakupan.

          Binuksan na ng Indiya ang kanyang mga dakilang templo at ipinakikita ang mga diyus-diyusan niyang pagkalalaki gaya ng Tsina, na nagbukas ng mga pinto ng kanyang mga kuta at ibinubunyag ang mga likha at ani niyang pambihira't kahanga-hanga. Binuksan ng Aprika at ng Polo Norte ang malalawak nilang ilang at sa loob ng maikling panaho'y uupo sila sa piging ng pagkakaunlad, at ang mga pinagkakautangan nila ng kanilang pagkakasulong at kaligayaha'y sina Livingstone, Stanley at Nordens Kjolo.

 

                                                                   LAONG-LAAN

Rizal Page