ANG DAMDAMIN NG KAGANDAHAN


Jose Rizal

 

          Ang diwa ng tao'y naaaninag sa lahat ng mga kilos niya, gaya rin ng ang sa isang lipunan ay sa mga diwa ng mga tauhan, at ang sa isang bansa'y sa pangkalahatang pagpapakilala ng mga mamamayan. May mga barometrong nakapagpapakilala ng kalagayan ng kagandahang asal, pag-iisip at agham, walang iniwan sa mga barometrong ukol sa pagbabagu-bago ng panahon, bagaman ang mga barometrong iyon ay lalo pang mapagkakatiwalaan, kung masasabi ang ganito, lalo pang marami at nananatili. Ang mga pag-uurong sulong na panlipunang dinaranas ng sangkatauhan, ang mga pagbabago, iyang mga pagdakila, pagkalupaypay, ang mga kagipitang humihingi ng masikap na paggawa, sapagka't paulit-ulit at hali-haliling dumaraan ang tanang ikinapapatangi at itinatakda ng tanging kabuuran ng pagkatao sang-ayon sa maaaring gawing ganap, mapapagbago, mapalilipas at mabuway, ang kanyang pagsulong , ang kanyang panlulupaypay, ang kanyang pagkabimbin, ang laong pinakamaliit na hakbang, ang kilos na hindi namalayan halos,-- ang lahat ay para-parang ipinakikilala at lahat ay ibinubunyag at ipinahahayag ng damdaming laganap sa kalikasan, na ipinagkaloob ng Diyos sa tao, at ipinapaging ganap ng tao. Datapuwa't iyo'y nakahihigit sa mga kasangkapang nadarama, sapagka't ang mga bakas niya'y nakikintal, ang mga ibinubunga'y karaniwang nananatili, at nakikitalamitam sa mga nagkakasalin-salin lahi ng tao. Yao'y hindi ang ibong lumilipad na ang mga bakas ay ang hangin, hindi isang sasakyang-dagat na nag-iiwan ng isang malapad at malawak na bakas kung minsan, datapuwa't madali ring napapawi gaya ng mga pag-ibig na pahilako; hindi iyon ang biglang sinag ng liwanag sa mga lupaing tuwirang tinatamaan ng araw, na kumikislap kung gabi na parang kidlat sa lupa; ang lubhang mabagsik at kahanga-hanga datapuwa't maselang na manlilikha: nakapagbubuwal ng mga punong-kahoy, nakababaak sa bato, at nakapagpapatibak sa lupa hanggang sa kailaliman ng pusod nito. Ang damdaming ito ay siyang damdamin ng kagandahan.

          Sa daigdig na nadarama, ang hangin ay pumupuno sa alangaang at nananaos sa lahat ng puwang: sa madilim na kailaliman ng yungib, sa magagarang bulwagan ng mga palasyo, sa kaputol na paraisong sa pamamagitan ng isang makulimlim na kakayuhan ay nagkakanlong sa ilalim na kawing-kawing na mga sanga ng luntiang tanghalan ng isang halamanan, sa di-karaniwan at mabangong kioskong silanganin, sa madilim na bilangguan, sa ilalim ng lupa, sa butas-butas na dampa, sa tanggapan ng pantas, sa lungga, sa tangkay ng isang bulaklak, sa nguso ng isang kulisap, sa lalong maliit na butas na pinagpipitagan ng mga atomo, lahat-lahat ay kinaroroonan ng hangin; lahat ay pag-aari at palasyo ng hangin, kumikilos o nakatigil, dalisay, kasiya-siya o hindi. Sa daigdig ng mga kaisipan ay may isang hanging pumupuno rin sa lahat, at sa loob nito'y nagsasalimbayan ang tanang mga bagay na nililiha ng Diyos; iya'y ang damdamin ng kagandahan. Iya'y dalisay at makalangit sa pagkakadiit sa tulain at sa walang hanggan, gaya ng hangin sa mga dagat at mga gubat; iyon ay hindi dalisay at nakapipinsala sa mga lipunang hamak at sumama ang asal gaya ng hangin sa mga lubak at mga pusalian; nakabibighani, nakapag-uudyok at nakababagbag sa mga sandali ng pagkislap at pagyugyog, gaya ng hangin sa malakas na sigwa; gaya ng hanging marumi kapag humihilahod sa lupa, datapuwa't malinis at nanganganinag kapag pumapailanlang sa langit. Iyan ang buhay ng mga kaisipan, panghalinang nakalilibid sa mga layon ng pang-unawa at ng puso at siyang bumubuo ng kanyang pananaw at ng iba't ibang uring maririkit; nagkaloob ng liwanag, ng liwanag na hindi nakasisilaw sa kaluluwa, ng mga tunog ng tugtuging hindi nawawala sa tono, at siyang tagapagsaysay ng wikang lalong dakila at lalong laganap na sinasalita ng mga talining at ng mga pusong maramdamin. Lumilikha ng kariktan, humuhula sa kaselanan; sa kadakilaa'y pumupuri at umaawit ng mga imno, at sa landas ng buhay, sa kasawiang palad ay siyang tanging halamang nagbibigay ng mga bulaklak na walang katinik-tinik.

          Ang unang nakamalas ng di pagkakapantay-pantay at pagkakaiba-iba ng kapalaran ng mga tao ay nagkaloob sa kanila ng matamis na damdaming ito, upang kung sila'y nahahapo na sa pakikipagbaka sa lupa ay makapailanlang na kasama niyon sa ibang danay at sa ganito'y maibsan ng hirap: iyon ay isang bulaklak na inaalagaan ng bilanggo sa mga kuwentong Indiyo. Iyan ay nauunawaan din ng tao, kaya kanyan ring nilinang.

          Sinabi na nating iyo'y pumupuno sa kaibuturan ng kaluluwa at siyang tunay. Tila buhat doon ay ibig tumakas kaya nga sumasama sa lahat ng kanyang nilikha at sa tanang pagpapahayag ng kaluluwa. Marahil, sa biglang malas ito'y aakalaing hindi tumpak, datapuwa't hindi ang dili tumpak sa paano mang paraan kung wawariing mabuti. Maliligaw tayo marahil ng landas, hindi magkakatugon ang ating mga palagay, datapuwa't tiyak na uusigin natin ang isang bagay na nakahahalina at marikit, na makasisiya sa ating parang anino ng kaligayahan, isang sandaling walang ipagtitiis, isang bagay na dakila, isang bagay na nakapagdudulot sa atin ng isang kabutihang nakababagbag ng ating kalooban.

          Sa pagnanasang yao'y mabigyan ng anyo, maipahayag, malapatan ng isang sagisag, ng isang damit, ay nilikha ng tao ang magagandang sining. Marahil ang unang isinilang ay ang musika sapagka't ang tao, sa mula't mula pa'y tatangis at maghihirap (nakakaramdam ng unang pag-ibig) at sa pagnanais na maipahayag ang kanyang mga sakit at mga hangarin ay bumigkas ng mga tunog sa kawalan ng wikang magagamit. Datapuwa't pagkatapos, habang ang mga mata niya'y nahihirati sa panonood sa kalikasan, habang ang kagandahan nito, na hinulaan lamang noong una, dinamdam pagkatapos at naunawaan nang dakong huli, ay nagpapakilos sa kanyang diwa at nagpapasigla sa kanyang puso, ang tao, na hindi iba kundi isang salamin lamang na sumisipi at gunagaya sa lahat ng bagay na nakaliligid sa kanya, ang tao, inuulit namin ay nagnais na gumaya ng mga bagay-bagay na nasa labas at tinuklas ang Pintura, ang tanging sining na nagbibigay ng karapatan sa tao upang siya'y tawaging kalarawan at kawangis ng Diyos.

          At sa katotohanan, ang pintura'y nakasisipi ng tanang nilikha ng Diyos, may pagkakaiba nga lamang ang likha ng isang may hangganan sa likha ng walang hangganan, sa likha ng Diyos at sa gawa ng tao. Inihaharap sa inyong mga mata ang dagat kahit sa isang ilang na ang hangin ay hindi nakapagpapalamig; ang pinakamaliit na alon ay naglalahad sa inyo ng mga tanawing nakangiti, mga kagubatang makulimlim, mga langit na masaya na may mga ulap na makislap at may iba't ibang anyo, malalawak na abot-tanaw na batbat ng malalim na kalungkutan, mararangal na simbuyo ng kalooban, kagitingan, kadakilaan at matatamis na damdamin. Kung sapul sa inyong kamusmusa'y wala kayong nakita kundi panginorin at nabilang ninyo ang mga taon sa pamamagitan ng yelo o pag-ulan ng yelo, ang pintura'y makapagtatamasa sa inyo ng paraisong inyong pinapangarap: ang maalindog na halamanan sa mga lupaing maiinit, ang hanging napakadalisay at nanganganinag, isang liwanag na makapagpaparamdam sa inyo ng malilgamgam na init ng tagsibol na sa pakikipaglaro sa matataas na dahon ng mga punong-kahoy, sa ibabaw ng bubog ng mga ilog at mga look, ay bumubuo ng kaaya-ayang mga lilim na puno ng pag-ibig at ng hiwaga, mga talon ng tubig na parang pilak at brilyante, na makapagpapagunita sa inyo ng mga pangarap ng silanganan at ng mga kadiyusan ng paganismo. Kung kayo nama'y nasusuya na sa buhay, nalilingaw at nagsasawa sa kaningningan saan mang dako'y nakalillid sa inyo, at ninanais ninyong ang kaluluwa'y makaramdam ng malamig na yanig, mga bagong damdaming nakapagpapasigabo upang maihanda sa mga matitimyas na damdamin, ang mahiwagang kapangyarihan niya'y maghahatid sa inyo sa kaharian ng kamatayan: mapuputing bunton ng yelo, mapapanglaw na abot-tanaw, isang langit na diwa'y tingga at kaparis ng tingga'y malamig at hindi mararating, wala ni isang dahon, ni isang bulaklak na nakapagpapasaya sa diwa, at sa magkabi-kabila'y ang kagubatan ng kamatayan, ang kadakilaan ng paghihingalo. Ililipat niya kayo sa mga panahong nakaraan ng inyong mga nuno, ipaaalaala sa inyo ang mga pagpapakasakit nila, ang mga dula ng panahong nakaraan, ang mga luhang itinigis sa inyong mga duyan upang mamulaklak ang banal na halaman ng kalayaan at ng kaunlaran. Isang alaalang mahal, isang tulang yayat at maselan, isang awit ng puso, ang lahat ng mumunting bagay na itong bumubuo ng kakaunting mga sandaling maligaya ng buhay, ang lahat ng ito'y para-parang iniingatan, ang lahat ay pinananatili ng sining na itong siyang lalong laganap sa mga naisip ng mga tao.

          Sa magagandang sining, ang pintura ay siyang tanging nauukol sa tao. Ang ibon ay humuhuni ng hindi magagayang awit sa ilalim ng mga dahon ng punong-kahoy o kaya'y nagpaparinig ng isang panambitan sa ibabaw ng isang sangang tuyo; ang malumanay na bulung-bulungan ng mga dahon ay hindi lamang isang tinig, manapa'y isang tugtuging gaya rin ng aliw-iw ng batis. Ang anasan ng mga alon at haginit ng hangin. Ang kastor ay gumagawa ng kanayang lungga, na parang isang bihasang arkitekto, at ang gagamba'y gumagawa ng marupok niyang bahay sa hangin sa pamamagitan ng mahinang hibla.

 

Rizal Page