ANG UNANG HALALANG
PANG-PANGULUHAN
Daniel Mendoza Anciano
Malapit na ang taong 1998 at ang
bansa ay nahaharap na sa nalalapit na eleksiyong
pangpanguluhan, naglalatag na ng mga istratehiya ang mga
pulitiko na nangangarap na maging susunod na pangulo ng bansa.
Nag-eeksperimento sa kemistriya ng mga personalidad na maaring magtambal na
presidente at bise-presidente. May sumisipsip sa pangulo,
para dito ibigay ang kaniyang mando, bilang
kahalili. Naandiyan din ang pagpapalakas ng
partido, nagsisimula na rin ang batuhan ng putik, ang siraan ng
katauhan, at marami pang iba. Ang mga ito, ang
karaniwang kalakaran sa pagdating ng halalang pampanguluhan.
Ang tanong ng iba ay kaylan kaya matatapos ang ganitong sistema ng bulok
na pulitika? Pero sa aming mga estudyante ng kasaysayan, ang aming
tanong ay hindi kung kailan ito magtatapos, kung hindi saan ito
nagsimula?
Sa artikulong ito ay pag-aaralan natin
ang naging kaganapan sa idinaos na unang halalang pampanguluhan sa
Filipinas at maari kayong magtaka dahilan sa halos
walang ipinag-iba ang unang halalang pampanguluhan
sa makabago nitong katapat, kahit na halos 100 taon na
ang nakakalipas.
Ang Unang Halalang Pampanguluhan
Sa mga _textbook_ ay matatagpuan ang
isang pangyayri sa ating kasaysan na tinatawag na _Kombensiyon ng
Tejeros_ na ginanap noong Marso 22, 1897, sa sitio ng
Tejeros, sa pagitan ng bayan ng Rosario at San Francisco de
Malabon, Cavite. Para sa ilan ito ay isa lamang pagpupulong at
pagbuo ng pamahalaang rebolusyonaryo, na nauwi sa pag-iinit ng ulo ni
Andres Bonifacio laban kay Daniel Tria Tirona. Pero sa katotohanan, ang
Kumbensiyon ng Tejeros ay isang halalan at dito ginanap ang unang
halalang pampanguluhan sa Filipinas.
Ang Labanan ng Incumbent at ng Aspirant
Ang halalang ginanap sa Kombensiyon ng
Tejeros ay paglalaban sa pamumuno ng isang nakapuwesto at isang
aspirante. Sa kasong ito, si Andres Bonifacio na Supremo ng
Katipunan at Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan, ang
nagsisilbing lider ng himagsikan hanggang ang kaniyang kakayahan ay
maging isang katanungan dahilan sa kaniyang naging pagkatalo sa
pakikipaglaban sa Kamaynilaan sa unang buwan pa lamang ng
himagsikan. Malaki ang nawala kay Bonifacio sa kaniyang
pagkatalo sa Kamaynilaan, dahil nagbunga ito upang malantad
ang kaniyang kahinaan sa istratehiyang pangmilitar sa pakikipaglaban sa
mga Espanyol.
Ang aspirante ay si Emilio
Aguinaldo, isang katipunero, na nagsimulang makilala bilang lider
dahilan sa kaniyang mga natamong tagumpay laban sa mga Espanyol sa
lalawigan ng Cavite. Ang talunang supremo at ang mapagwaging heneral ay
isang sitwasyon na nagbigay daan upang hamunin ng isang aspirante ang
pamumuno ng isang pinunong nakapuwesto.
Ang lahat ng halalang
pampanguluhan na sumunod sa Filipinas ay labanan ng nakapuwesto at
ng aspirante, maliban lamang sa kaso nina Quezon (1935) at Ramos
(1992).
Ang Partido Pulitikal
Sa ginanap na unang
halalang pampanguluhan, malaki ang naging papel ng dalawang
pangunahing partido pulitikal sa Cavite upang matiyak ang panalo ng bawat
isa. Ang dalawang partidong ito ay ang Magdiwang na pinamumunuan ng mga Alvarez
at ang Magdalo na dominante ng mga Aguinaldo. Ang bawat partido ay
mayroong mga balwarte, sa kaso ng Magdiwang nasasakop nito
ang mga bayan na nasa baybayin ng Look ng Maynila. Sa kaso ng Magdalo
ay nasasakop nito ang mga bayan na nakaharap sa Look ng Bacoor,
hanggang sa mataas na lupa ng Cavite.
Sa unang buwan ng
himagsikan ay nagkaroon ng hidwaan ang dalawang paksiyon dahilan sa
karibalan at kawalan ng koordinasyon sa pagkilos na militar. Sa pagdating ni
Bonifacio noong Disyembre 1896 sa Cavite siya ay pumanig sa partidong
Magdiwang, sa dahilang ang matandang Alvarez ay tiyuhin ng
kaniyang asawa na si Gregoria de Jesus. Sa
paglipas ng ilang araw, ang matandang Alvarez ay
ibinigay ang puwestong haring bayan ng partido kay Andres
Bonifacio.
Samantala ang partido Magdalo ay nasa
bukana ng lalawigan ng Cavite at sa malimit na pagkakataon ay napapasabak sa
pakikipaglaban sa mga Kastila na nagbabalak na pumasok
sa kanilang teritoryo. Sa ganito, ang panalo ng Magdalo at kaniyang
karanasan sa pakikipaglaban ay nagbigay ng kaukulang pagkilala ng mga
tao sa Cavite sa pamumuno nito. Ang dalawang partido, maaring naitayo
dahil sa pagsisikap ng Katipunan, ngunit dumating ang panahon na sumapit ito sa
salungatan ng ideolohiya at sa pananaw sa dapat na maging landasin
ng himagsikan. Para sa mga Magdalo, dapat nang palitan ang Katipunan ng
isang pamahalaang rebolusyonaryo, samantalang ang partidong
Magdiwang ay nanghahawak sa paniniwala na hindi dapat palitan ang Katipunan sa
dahilang ito ay isa nang pamahalaan.
Sa pagkakataon ding ito ng
hidwaan ng dalawang partido, nakita ni Bonifacio ang
kaniyang pangangailangan sa partido ng Magdiwang upang
tapatan ang pangkating Aguinaldo at ang partido Magdiwang naman ay
nakita ang supremo na maaring itapat sa mga Magdalo.
Ang Black Propaganda
Ilang linggo pagdating ni Bonifacio sa
Cavite at bago pa man ang malaking asamblea ng mga rebolusyonaryo
sa Imus, at ilang buwan pa bago ang ganapin ang
Kumbensiyon ng Tejeros talagang desidido na ang Magdalo na bunuin
mula kay Bonifacio ang pamumuno ng himagsikan. Ito ay mapapatunayan sa
dahilang kumalat ang mga mapanirang polyeto sa lalawigan ng Cavite,
lalo na sa lugar ng San Francisco de Malabon, kung saan ang supremo
ay pansamantalang namamalagi. Sa nasabing mga polyeto
ay hinihikayat ang mga Caviteņo na huwag pakitaan ng
anumang paggalang o pag-ukulan man ng anumang pansin ang supremo.
Sa mga nasabing polyeto, sinasabi
na ang supremo ay isang mason, hindi naniniwala sa Diyos,
upahan o ahente ng mga prayle para maghasik ng kaguluhan, walang
pakundangan sa mga sagradong bagay na pangrelihiyon, may mababang
pinag-aralan, at isang hamak na utusan lamang ng isang negosyanteng Aleman.
Pamilyar na pamilyar, yata ang black propagdanda na ito hanggang ngayon.
Nang makarating ito sa kaalaman
ng supremo, kaniyang hiningian ng paliwanag si Daniel Tirona na
nauwi sa pagtatalo, dito sa unang pagkakataon ay tinutukan ng baril ng
supremo si Tirona, nailigtas lamang si Tirona ng pag-awat ni
Mariano Alvarez at ng pakiusap ng isang babae nagkataong naroroon sa
bahay.
Karahasan
Ilang oras bago ganapin ang
Kumbensiyon/halalan sa Tejeros ay nagkaroon ng pagtatalo sina
Santiago Alvarez at Antonio Montenegro, na nauwi sa berbal na
pagtatalo at pagpapadakip ng una sa huli. Dahilan sa pangyayaring
ito, ang mga tauhan ni Santiago Alvarez ay humanay na sa tabi ng hagdanan
na paggaganapan ng kombensiyon at nagbabantang gagamitin ang
kanilang mga baril sa sinuman na kalahok sa kumbensiyon.
Matatandaan din na dahilan sa
nakakainsultong protesta ni Daniel Tirona laban
sa pagkakahalal ng supremo sa posisyong Direktor
ng Interior ay tinutukan ng huli ang una. Salamat na
lamang sa dalawang mahalagang pangyayari na nagligtas kay Daniel Tirona,
una ay ang maagap na pag-awat ni Artemio Ricarte sa kamay ng supremo na
may hawak na baril at pangalawa, ang kabilisan ni Daniel Tirona na
magtago sa karamihan. Kung walang ang dalawang pagkakataong ito siguro,
ang unang halalang pampanguluhan ay may bahid ng dugo.
Alsa Balutan
Sa panahon ng kombensiyon/halalan sa
Tejeros, ang nakakarami sa mga dumalo ay mula sa partidong
Magdiwang at sa Magdalo naman ay mahigit kumulang sa siyam na
katao. Ngunit, huwag tayong malinlang ng numero sa
dahilang marami sa mga dumalo sa
halalan/kumbensiyon ay ang mga tinatawag na alsa
balutan mga indibidwal na taga-Maynila, at ibang pang mga
lalawigan na nagtungo sa Cavite sa unang buwan ng himagsikan
upang mabuhay sa napalayang lalawigan ng Cavite.
Ang mga alsa balutan ayon sa
mananalaysay ang dahilan kung bakit maraming nakuhang boto si Aguinaldo
sa kabila ng kakauntian ng kaniyang mga kapartido na dumalo sa kombensiyon.
Minsan habang pinag-aaralan ko ang artikulong ito ay nagbibiro ang aking
isipan, para matuksong isulat na parang ang mga alsa
balutan ang lolo ng mga makabagong flying voters.
Ang Laro ng Pulitika
Ang supremo Bonifacio ay
hindi dapat na isipin na isang mangmang na
pulitiko sa kaniyang unang pagkandidato, ayon sa
mananalayasay na si Alfredo Saulo, ang supremo ay nakatagpo
ng ang isang tagapayo sa katauhan ni Artemio Ricarte. Pinaghandaan nilang
dalawa ang Kombensiyon ng Tejeros, una, ipinatawag nila ang kumbensiyon
sa panahon na ang teritoryo ng Magdalo ay sinasalakay ng puwersa ng
mga Espanyol na pinamumunuan ng berdugong Heneral Lachambre at ang mga Espanyol
ay nasa lugar na tinatawag na Pasong Santol na siyang pintuan
patungo sa Imus na noong ay kapitolyo ng pangkating Magdalo. Pangalawa,
ibinigay lamang sa pangkating Magdalo ang panawagan ukol sa
gaganaping pagpupulong sa Tejeros noong Marso 21, 1897. Isang
araw lamang ang pagitan sa layunin na pakauntiin
ang makadadalo mula sa pangkating Magdalo.
Pero ang istratehiyang Bonifacio
ay sinagot naman ng pangkating Magdalo sa pamamagitan ng mga sumusunod:
Una, bago ganapin ang halalan ay nagkaroon ng huling sandaling pangangampanya
para huwag ihalal si Bonifacio, at hinihikayat ang mga mamboboto
na huwag pailalim sa hindi Caviteņo; pangalawa, pinaghati nila
ang mga Magdiwang dahilan sa sandali ng pagpili ng mga kandidato
sa pagkapangulo ay tatlo ang nominado, sina Aguinaldo
(Magdalo), Bonifacio (Magdiwang) at Trias (Magdiwang). Sa ganitong
pamamaraan sa unang sandali pa lamang ng halalan ay nakatakda
na ang paglansag ng kapangyarihan ng supremo sa pamumuno ng
himagsikan.
Dinayang Balota
Sa panahon ng Kombensiyon/Halalan sa
Tejeros ay lumitaw ang isang isyu mula kay Diego Mojica na nagsasabi sa
superemo na ang mga balota na ipinamahagi ay may sulat na, at di na
sinulatan ng mga manghahalal.
Balimbingan
Sa bandang huli, ang tinatawag na turncoatism
ng partido ay naganap
sa panahon pa ng unang halalang pampanguluhan,
bago ganapin ang halalan, ang pangkating Magdalo sa pamumuno ni Daniel
Tirona ay gumawa ng hakbang upang makuha o makaalyansa ang ilang mga
Magdiwang. Isa na sa klasikal pagsasagawa ng turncoatism ay
mapapansin kay Mariano Trias, bago ang kombensiyon siya ay nagbitiw sa
kaniyang puwesto sa pangkating Magdiwang bilang Ministro ng
Katarungan at lumipat sa pangkating Magdalo bilang
isang heneral. Pagkatapos ng halalan sa Tejeros ay mapapansin na nawala
na ang init ng pulitika sa dalawang partido, naluklok na pangulo si
Aguinaldo, at ang mga Magdiwang ay tinanggap ang kanilang mga bagong
posisyon sa pamahalaang rebolusyonaryo.