ANDRES BONIFACIO
Ang Buhay na Puno ng
Pakikipagbaka
Daniel Mendoza Anciano
Hindi mapag-aalinlanganan na ang mga
Filipinong ilustrado ay nakapag-ambag ng malaki sa ebolusyon ng
nasyonalismo sa bansa, ang kanilang pagnanais na
isulong ang interes na dinadala ng kanilang kinabibilangang
pangkat sa lipunan at mga naging mapangahas nilang pagpapahayag ng
ideyalismo para sa kapantayan ng mga Filipino sa mga Espanyol ay
nagsilbing mga lagabog ng maso na lumamat sa tila matibay na moog ng kolonyalismo
sa bansa. Ngunit ang kanilang mga mahalagang nagawa ay mayroon
limitasyon, dahilan sa taglay nilang ilusyon na magkakaroon ng reporma at
posibilidad ng asimilasyon sa sistemang kolonyal ay hindi
nila tinawid ang parametro ng radikal na pagkilos upang tahakin ang
kasarinlan ng bansa mula sa pagkaalipin ng mga banyaga.
Sa ilang huling mga taon na
lamang ng ika-19 na daantaon, ang ilusyon na dinala ng mga
ilustrado ay nagbigay daan sa dis-ilusyon at napagtanto na ang pangarap
na reporma ay hindi magaganap sa isang lipunan na kontrolado ng mga pangkat ng
mananakop na hindi kaylanman naging mapagparaya sa pagbibigay daan
para sa mga positibong pagbabago, dahilan dito ang kurtina ng
kasaysayan ay nahawi na para bigyang daan ang ating himagsikan.
Ang Himagsikang Filipino ng 1896 ay
maituturing na pinakamapagpasiyang pangyayari sa pahina ng kasaysayan ng
ating bansa. Ito ang panahon na ang sambayanang
Filipino ay kolektibo at nangahas na pinili ang pagsusulong
ng isang armadong pakikibaka bilang paraan ng paglatid ng
kadena ng kolonyalismo. Ito ang panahon na ipinahayag
ng sambayanan ang kanilang paghahangad na maging mga tunay na
panginoon na magpapasiya sa kapalaran at kahahantungan ng
ating bayan. Kung ang himagsikan ay isang mapangahas na pagkilos,
gayundin masasabi nating ang naging tagapasimuno nito ay nagtataglay ng
isang mapangahas na personalidad at tila aserong determinasyon upang
pamunuan ang isang kilusan na maglalatid ng kadena ng pangkaalipin
ng kaniyang mga abang kababayan. Ang lider na ito ay walang iba
kundi si Andres Bonifacio, ang tagapasimuno at kaluluwa ng himagsikang
Filipino.
Kung ang mga ilustrado ay
nakipaglaban para sa interes ng gitnang uring kanilang
kinabibilangan ang masang Filipino ay nakatagpo din
ng lider na magsusulong ng kanilang totoong interes, sa
katauhan ni Bonifacio, kung naging mas radikal man ang kaniyang naging
direksiyon sa pagtahak sa pagbabagong panlipunan ay sa dahilang ang
buhay ng isang anak-maralita ay naratibo ng pang-araw-araw na
personal na pakikipaglaban para mabuhay. Mga karanasan na
pumanday upang magkaroon ng isang malalim na repleksiyon sa
katotohanan ng buhay ng kaniyang mga kapwa maralita at epektibo
mapamunuan ang himagsikan na magpapalaya sa kaniyang mga kababayan sa
dinadanas nilang paniniil at kadahupan.
Ang Panimula ng Pakikipagbaka
Ang maralitang lider ay
ipinaganak sa isang kubo sa Tondo noong Nobyembre 30,
1863 sa mag-asawang Santiago Bonifacio na isang sastre
at Catalina Castro. Sa batang edad ay naulila sa parehong
magulang at natagpuan ang sarili na tagakupkop ng kaniyang mga
nakababatang kapatid. Sa pagtutulungan ng mga magkakapatid nakita
nila ang kanilang mga sarili na nasa lansangan ng
Maynila o nasa mga patyo ng simbahan (na tila streetchildren
ngayon) at naglalako ng pamaypay at baston sa mga
nagdadaan. Nagpatuloy ang kaniyang pagsuporta sa kaniyang mga kapatid
hanggang sa pagdating ng sapat na taong gulang at maempleyo si
Bonifacio sa Fleming & Company (pag-aari ng mga Ingles) at sa bandang
" huli bilang ahente ng Fressel and Company (pag-aari ng mga
Aleman).
Ang leksiyon ng kaniyang unang
pakikibaka ay ang makita ni Bonifacio na siya ang nagsilbing
magulang ng kaniyang mga kapatid. Isang karanasan na naghanda
sa kaniya para tanggapin ang papel na maging isang ama na gagabay
sa kanyang ulilang bansa.
Ang Pakikipagbaka Laban sa Kamangmangan
Si Bonifacio bilang isang anak mahirap
sa kaniyang kapanahunan na pinalala ng pagkaulila at pangangailangan na
maandukha ang kaniyang mga nakakabatang kapatid, ang isang mas malaking
pakikipagbaka na kaniyang hinarap ay ang labanan ang kamangmangan
na tiyak niyang kahahantungan. Sa kaniyang kabataan ang
kaniyang tanging pormal na edukasyon ay ang pagpasok niya sa
paaralan ni Don Guillermo Osmeņa na ito ay agad din naputol. Sa
pagtatantiya ni Professor Teodoro Agoncillo, sa ating panukatan ang
kaniyang natapos ay ikaapat na baitang lamang ng paaralang elementarya.
Ngunit ang tunay na esensiya ng
edukasyon ay hindi lamang turuan ang mag-aaral kundi ang
matutunan ng mag-aaral na turuan ang kaniyang sarili. Nilabanan ni
Bonifacio ang kamangmangan na maari niya sanang nasadlakan sa pamamagitan
ng sariling pag-aaral at ang kaniyang pagtatrabaho sa mga
establisementong dayuhan ay nagbigay daan para masundan niya ang
mga kaganapan at pag-unlad ng kaisipan sa labas ng bansa. Ang kaniyang
pakikisalamuha sa mga Espanyol sa tanggapang kaniyang pinaglilingkuran ay
nagpatalas sa kaniyang komprehensiyon ng wikang Espanyol at magkaroon
ito ng sapat na kaalaman upang maunawaan ang wika ng
dati nating mga panginoon.
Ito ang dahilan kung bakit nagkaroon
siya ng pagkakataon na maunawaan ang mga kaisipan ng mga pantas ng
kanluran na si Hugo (Les Misarables_), Sue (Wandering Jews);
inunawa ang sistemang presidensiyal ng Amerika (Buhay ng
mga Pangulo ng Estados Unidos); at ang kalakaran ng
himagsikan sa aklat na Kasaysayan ng Himagsikang Pranses.
Nagkaroon din ng inpluwensiya sa kaniyang kaisipan ang mga
sulatin ng mga Filipinong Propagandista sa Europa, lalo na
sina Del Pilar at Jose Rizal sa aklat ng huli na Noli Me Tangere at
El Filibusterismo. Ang pagbabasa ng supremo ay hindi lamang naging
isang pag-sasanay na pangkaisipan at hindi rin nanatili lamang sa
bakuran ng kaniyang kaisipan. Ang kaniyang mga natutunan ay
nagsilbing isang apoy na nagpakulo ng kaniyang kaisipan, na sa
dakong huli ang namuong ideya ay nailipat sa mas kongretong pagkilos.
Isa rin sa naging sanayang
pang-kaisipan ni Bonifacio ay ang tanghalan na kung saan siya ay isa sa mga
gumaganap sa palabas na moro-moro. Ang moro-moro ay isang pagtatanghal ng
paglalaban ng dalawang magkasalungat na puwersa, sa una ay maririnig ang
argumentong isinasaad ng kaisipan at sa dakong huli ay ang
pagpipingkian ng mga sandata ng dalawang pangkat na ang argumento
ay hindi pinapakinggan ng isa't isa. Sa tanghalan
lumalabas ang salungatan, katwiranan, at sa bandang huli ang pisikal
na paglalaban. Dito natutunan ni Bonifacio ang pangangailangan sa
pagkakaroon ng isang malakas, mapang-akit at makapangyarihang
pananalita, at ang pagtatantiya ng takbo ng istorya para sa mga tauhan.
Nilisan ng supremo ang kaniyang tanghalang paaralan, ginamit niya ang
pangangailangan ng mapang-akit at
makapangyarihang pananalita sa kaniyang mga naging kasama sa Katipunan.
Sa paglisan niya ng tanghalan ng moro-moro ay kaniyang inilipat
ito sa mismong puso ng lipunan na kaniyang ginagalawan.
Pakikibaka Laban sa Matandang Kaisipan
Ang lipunan sa panahon ni Bonifacio ay
pinangingimbabawan ng sapot kamangmangan at pamahiin na pinanatili
ng mga alagad ng kolonyal na Kristiyanismo sa paniniwala ng
mga ito na ang kanilang pagsasamantala sa ating bayan ay malulubos
lamang sa isang kapaligiran na hindi sinisikatan ng liwanag ng kaalaman.
Ang mga alagad ng kolonyal na Kristiyanismo ang nagpakalat ng
paniniwala a ang mga katutubo ay likas na mahina, mangmang, at ang edukasyon
para sa mga ito ay mapanganib sa kanilang mga kaluluwa - sa mismong
panulat ng isang prayle Ang isang indio kapag natuto, ay magiging kalaban ng
Diyos at ng Espanya
Sa pamamagitan ng sariling
edukasyon, namulat ang mata ni Bonifacio sa kalagayan ng lipunan sa
kaniyang kapanahunan. Ngunit ang kaalamang natutunan ay hindi sinarili manapa
ay kaniya itong ibinahagi sa iba sa layunin na gisisingin ang kaniyang
mga kababayan para sa pagbabago sa bayan. Nagsimula bilang isang masugid
na tagasuporta ng kilusang propaganda at naging tagapamahagi (sa
pamamagitan ng lihim na pagtitinda) ng mga literaturang
pang-protesta sa mga mag-aaral ng Unibersidad ng Santo Tomas, at
sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga literaturang pang-protesta
ay nakilala niya si Ladislao Diwa na noon ay isang
mag-aaral ng abogasya sa unibersidad at sa dakong huli
ay nakasama niyang naging tagapagtatag ng Katipunan.
Sa pagkakatag ng Katipunan ay inandukha
niya ang pagkakaroon ng isang limbagan at pahayagan ng kilusan. Sa
pagkakalathala ng _Kalayaan_ naiparating niya sa pamamagitan ng panulat
ang kaniyang mga pananaw, at adhikain para sa inang bayan. Katulad ng
kaniyang mga nabasang mga literaturang politikal mula sa mga ilustrado sa
kaniyang panahon, ikinalat niya ang kaniyang paniniwala na ang mga
Filipino ay hindi mangmang at hindi dapat na
manatiling mangmang, ngunit kakaiba sa kaniyang mga
kasabayang ilustrado, naniwala si Bonifacio sa kakayahan ng mga mababang
uri na mapalaya ang kanilang mga sarili. Sa pamamagitan ng
propaganda ng Kalayaan ay naiparating ni
Bonifacio ang pag-aaring ganap sa pangangailangan ng isang
armadong pakikibaka para sa katubusan ng bayan mula sa kadena ng mga dayuhan.
Ang Pakikibaka Para sa Bayan
Sa taong 1896, dumami ng bilang ng kasapian
ng Katipunan at ang pagiging lihim nito ay hindi na
maitago sa mga dayuhang maykapangyarihan. Sumapit
na ito sa bingit ng pagkakatuklas. Hiniling niya ang payo ni
Rizal sa pamamagitan ng emisaryong si Pio Valenzuela at sinabing ang
bayan ay hindi pa handa dahilan sa kakulangan ng sandata at kawalan
ng isang bansa na posibleng maging kakampi sa panahon ng
pagsiklab ng himasikan, at ilan din sa kaniyang mga mismong kasama sa samahan
ay tutol na ang pasimulan ang himagsikan dahilan sa kawalan ng katiyakan ng
tagumpay.
Natuklasan ang Katipunan sa panahon ng
kawalan ng kahandaan, ano ang magagawa ng mga itak, sibat na
kawalayan, paltik, at ilang lumang baril at mga katipunerong
walang aktwal na pagsasanay sa digmaan sa panahon na ito
ay mapaharap sa puwersa ng kolonyal na pamahalaan
na kumpleto sa kagamitang pamuksa, may ganap na pagsasanay at
ang nakakarami ay mga beterano ng ilang mga labanan para
Espanya sa nakalipas. Ito ang predikamentong namamayani ng
ginaganap ang mapagpasiyang pagpupulong sa Pugad Lawin. Ngunit ang
supremo ay tumayo, pinangibabaw ang ideyalismo laban sa pragmatismo at
hinikayat ang mga kasamahan na magpasiya ng taliwas sa tila
matinong pangangatwiran ng mga segurista, pinunit nila ang mga
sedula na isang hayagang dokumento ng pagkaduwagi at sinindihan ang mitsa ng
himagsikan.
Ito ang himagsikang pinasimulan ng
supremo, kulang sa armas, pagkain, lohistika, at mahusay na istratehiya na
kinakilangan sa isang matagumpay na pakikipaglaban sa isang hukbo
ng kaaway na nagmamay-ari ng lahat ng kalamangan. Ang mga salik na
ito rin ang naging dahilan upang magapi ang supremo sa Pinaglabanan. Bumagsak
ang Pinaglabanan ngunit katulad isang malaking dinamita, kinakailangan
munang masunog ng mitsa. Pagkatapos ng Pinaglabanan, ang himagsikan
ay kumalat na tila malaking apoy sa mga karatig
lalawigan ng Maynila at sa momentum ng lagablab ay nilalamon ng apoy nito
ang habi ng istrakturang kolonyal.
Ang Huling Pakikibaka
Sa pagdating ni Bonifacio sa
Cavite ay nahantad sa kaniya ang katotohanan na ang
pagtatagumpay ng mga rebolusyonaryo sa nasabing lalawigan ay naging
sanhi ng karibalan ng mga kapwa niya rebolusyonaryo. Nilasing ng
tagumpay ang pamunuan ng mga paksiyong Magdiwang at Magdalo sa Cavite,
pagkalasing na nagpalimot sa isa sa pangunahing aral ng Katipunan na
kapatiran. Nilimot ang kapatiran dahilan sa pagnanais na kunin
ang kapangyarihan at ipinatupad pa ng isang paksiyon ang
maitim na balakin na lusawin ang Katipunan at palitan ito ng
bagong anyo ng pamahalaan na dominante ng mga ilustradong
Caviteņo.
Sa Kumbensiyon ng Tejeros
nalansag ang Katipunan sa pamamagitan ng isang tiwaling halalan,
naagaw ang liderato mula sa supremo at nalipat sa kamay ng mga
ilustrado. Hindi ito natanggap ng supremo at binalak niyang
bawiin ang nawala sa kaniya sa pamamagitan ng
pagproprotesta sa resulta ng eleksiyon na kilala sa tawag na Acta de
Tejeros at sa pag-oorganisa ng isang kahiwalay na pamahalaan sa
ginanap na pagpupulong sa Naic.
Sa mga unang pakikibaka ng supremo
laban sa puwersang kolonyal ng kaniyang kapanahunan ay naging
matagumpay siya, ngunit hindi sa kaniyang huling pakikibaka sa mga
taong minsan ay kaniyang niyakap at tinawag na mga
kapatid sa mga isinagawang inisasyon ng Katipunan sa
nakalipas.
Sa pagbabasa kaya ni
Andres Bonifacio ng Kasaysayan ng ebolusyong Pranses hindi
kaya niya nabasa ang yugto sa buhay ng isa sa mga naging tagapasimuno
nito na si Maximilian Robespierre? Si Robespierre ay bumagsak sa
kapangyarihan pagkatapos na maisagawa ang isang Kombensiyon ng mga
Maghihimagsik at pagkatapos ay pinutulan ng ulo sa gilotina sa isa sa mga
lansangan ng Paris sa kaniyang kamatayan na nakasama niyang pinutulan ng
ulo ang kaniyang nakakabatang kapatid na si Augustine.
Ito rin ang kinahantungan ni Andres
Bonifacio, ang pagbagsak sa Kombensiyon ng Tejeros at ang pagbitay sa
kaniya at sa kaniyang kapatid na si Procorpio sa paanan ng isa sa
mga bundok sa bayan ng Maragondon, Cavite.
Minsan kung kung ikukumpara ang
kamatayan ng dalawang pambansang bayaning Filipino ay makikita rin ang
balintuna ng kasaysayan. Sa dalawang bayani na tila nag-aagawan
sa pedestal ng kadakilaan ay makikita ang hayagang salungatan.
Si Rizal na hanggang sa huli ay naniniwala sa pagiging tapat ng Espanya na
maglalapat ng reporma pasa sa Filipinas. Samantalang si Bonifacio
ay nanalig sa kakayahan ng mga Filipino na mapalaya ang
kanilang sarili mula sa pamatok ng pagkaalipin. Ngunit ng
ipagparaya ng kasaysayan ang kanilang mga buhay sa altar ng
kalayaan, si Rizal na naniniwala sa Espanya ay namatay sa
kautusan at punlo ng hukbong kolonyal,
samantalang si Bonifacio na naniniwala sa
kakayahan ng mga Filipino ay kinitilan ng buhay sa utos at punlo ng kaniyang
mga sariling kababayan.