Ako'y Si Ragam

Salin sa Pilipino ni Clodualdo del Mundo

Kalasag

Ako si sultan Bulkeiah sa Borneo, na naghahari mula sa lungsod ng kapayapaan, Dar es Salam, sa dalampasigan ng Brunei. Sa Magindanaw at sa Sulu, na kinakikitaan ng unang liwanag ng walang katulad kong asawa, Emperatris Lela Men Chanei, ay tinatawag akong Raha Baginda. At ngayon, dito sa Maynila ay ako ang Sultan at Emperador

Makalawang ulit nang sinalakay ng aking hukbong-dagat ang Selurung, na tinatawag ninyong Lusung, at ngayon ay ako ang nagwagi at nakapanakop. Ang mapanghamig na si Datu Gambang, ang inyong yumaong puno, ay wala na, at ang isang prinsesa mula sa kanyang angkan ay aking pinakasalan upang maipagpatuloy ang dinastiya ng Pasig. Ang magiging anak nami'y siya ninyong magiging maginoo, at dahil sa inyong pamimitagan sa kamaharlikaan ng lipi, alamin ninyo na ako'y kalipi ng dakilang Iskander, ang Alejandro ng malayong Europa, na ang reyna'y anak ni Porus, ang lalong matapang na Indyo, kahinlog ni Sang Sapurba na nagtawid-dagat sa Haba at ang mga kaanak ay namuno sa Johur, pook na pinangyarihan ng pagkuha sa maharlikang prinsesa upang maging kaisangpuso ng aking kanunu-nunuan, Tuan alak ber Tatar. Sa aking mga ugat ay nananalaytay ang dugong Arabe ni Hassim, ang tunay na propeta na maawain at mapagpaumayang Allah. Nasa-akin din ang dugonf Intsik, dahil sa isang prinsesa ni Kina Balu, at sa loob ng limang daang taon ay laging suot ng mga hari ng Brunei ang dilaw na kasuutang imperyal bilang pagkilala ng emperador ng Tanina. Malaon na kaming nag-iingat ng mobat at mga batingaw mula sa Malaka at Menangkabaw, mga palamuting pangmaharlika ng mga Indiyo at Islam.

Nguni't higit sa aking pagiging hari ay ipinagmamalaki ko ang sa aki'y karapat-dapat na katawagang Nakoda, sapagka't sa pag-uugit sa isang sasakyang-dagat ay wala nang dadaig pa sa akin, at ang aking ga paraw ay nakasagupa na sa mga unos na namayani sa lalong nag-aalimpuyong dagat, at ikinararangal kong masabing sa aking mga ugat ay dumadaloy ang dugo ng isang Bisaya. Tuwing dadalaw sa aking kaharian ang mga sugong Intsik at Arabe, ang pinakamahalagang palamuti nila'y ang mahabang chawat, na laging itinataas sa harapan ko ng apatnapu katao. Kapag iyo'y ibinigkis ko sa aking baywang upang humanda sa pakikitalad, ang pagkakabigkis ay maayos at ang paghahamok ay laging pinagtatagumpayan.

Mula sa Malaka hanggang Maynila ay kilalaang lahat ang pangalang Nakoda Ragam na kanilang pinanganganinuhan, sa kabila ng aking pagiging maharlika. Kaya, mga tauhan sa kailugan ng Lusung , huwag kayong magkulang sa inyong tungkulin sa aking magiging anak, ang inyong raha, at huwag ninyong kaliligtaang magbuwis ng ginto taun-taun sa Brunei bilang panahon ito ang Pulo ng Ginto.